Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko laban sa online post na gumagamit ng kanilang pangalan at logo na nagsasaad na nangangailangan sila ng mga poll watcher at machine operators na may sahod na P4,000 para sa darating na halalan sa Lunes, May 12.
“Fake news ang graphics na kumakalat ngayon sa social media tungkol sa diumano’y pagtanggap ng mga watchers at machine operators para sa darating na 2025 National at Local Elections. Ito ay hindi totoo at walang opisyal na anunsyo mula sa Comelec,” saad ng Comelec sa inilabas na pahayag nitong Huwebes.
Sa ilalim ng Article III ng Comelec Resolution No. 11076, ipinaliwanag ng komisyon na ang mga poll watchers ay magmumula sa political candidates, partylists, o accredited citizens’ groups.
“Hindi sila ini-hire ng gobyerno bilang regular na empleyado at walang bayad mula sa pamahalaan, maliban kung ito’y malinaw na itinalaga sa batas o alituntunin,” dagdag ng Comelec.
Nagpaalala rin ang Comelec sa publiko sa huwag magbibigay ng kanilang personal na impormasyon sa mga hindi beripikadong posts, at i-report ang mga naturang uri ng post sa awtoridad.
Nagbabala ang COMELEC na isang election offence sa ilalim ng Section 261(z)(11) ng Omnibus Election Code ang pagpapakalat ng mga mali at nakababahalang impormasyon.
Kasabay nito, tinawag din ng Comelec na fake news ang mensahe na kumakalat online na sobrang nipis ng official ballot para sa eleksyon kaya “dot” o tuldok lang ang dapat itatak gamit ang marking pen upang hindi ito mag-"blot" at mauwi sa overvote.
"Ito po ay hindi opisyal na payo ng Comelec at maaaring magdulot ng invalid na boto kung malit ang paraan ng pagmarka," babala ng Comelec.
"Ang tamang paraan ng pagboto ay ang buong pag-shade sa loob ng bilog sa tabi ng pangalan ng kandidato gamit ang opisyal na marking pen mula sa Comelec," dagdag nito. -- FRJ, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.