Sa isang desisyon na inilabas nitong Huwebes, pinagbigyan ng poll body division ang petisyon na inihain ng Comelec Task Force SAFE laban kay Sia, na hinihiling ang kaniyang diskwalipikasyon mula sa 2025 national at local elections (NLE).
"Wherefore, premises considered, the Commission (Second Division) resolved, as it hereby resolves to grant the Petition," saad sa desisyon.
"Accordingly, Respondent is hereby disqualified from continuing as a candidate for Member, House of Representatives, Lone Legislative District of Pasig City, in relation to the 2025 National and Local Elections," dagdag nito.
Sinabi rin ng Comelec na sakaling makuha ni Sia ang pinakamataas na bilang ng mga boto, "his proclamation shall be suspended until the final resolution of this case."
Hiningi na ng GMA News Online ang panig ni Sia para magbigay ng komento, ngunit hindi pa siya sumasagot sa oras ng pagkalathala.
Naunang naglabas ng unang show cause order (SCO) ang Comelec laban kay Sia matapos nitong sabihin sa isang campaign sortie na maaaring makisiping sa kaniya ang mga single mother na may regla pa at nalulungkot.
Sa kaniyang tugon, iginiit ni Sia na ang kaniyang mga pahayag tungkol sa mga single mother ay hindi paglabag o pagbababa sa mga kababaihan. Ang kaniya ring “speech, in its entirety, falls within my freedom of speech.”
Gayunpaman, siya ay pinatawan ng pangalawang SCO matapos naman niyang magbitaw ng misogynistic na mga komento laban sa isa sa kaniyang babaeng tauhan sa isang campaign sortie para sa Eleksyon 2025. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.