Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng kotse na nahuli-cam na sa truck inilagay ang aso. Paliwanag naman ng kapatid ng driver, maayos ang lagay ng aso.Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ipatatawag ng LTO ang driver at may-ari ng kotse para hingan ng paliwanag sa naturang insidente; at kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at suspindehin sa kanilang driver’s license.Nakipag-ugnayan umano ang kapatid ng driver sa nag-upload ng video para ipaalam na maayos ang kalagayan ng aso.Ipinaliwanag din umano ng kapatid na inilagay lang nito ang aso sa likod ng sasakyan dahil sinagip lang ang aso at baka siya makagat kung ilalagay sa loob ng kotse.Sinubukan ng GMA Integrated News na makausap ang driver. Nagpadala naman ng video ang kaniyang kapatid na makikitang inaalagaan ang aso.Iginiit din niya na hindi masamang tao ang kaniyang kapatid.Ipinaliwanag din nito na alaga ng kanilang kakilala ang aso na hindi na naasikaso kaya kinuha ng kaniyang kapatid.Gayunman, desidido ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na kasuhan ang naglagay sa aso sa trunk na kalupitan umano sa hayop.“PAWS will be pursuing the criminal case. We are already drafting our criminal complaint against the registered owner. This is a clear violation of the Animal Welfare Act. Nakalagay pa doon, if you placed an animal in the trunks of vehicles, [it is] automatic violation under Section 4,” ayon kay PAWS executive director Anna Cabrera.Nagbabala siya na maaaring magmulta ang isang tao ng P100,000 at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon kapag namatay ang pinagmalupitang hayop.Payo ng PAWS, maaaring balutin ng tuwalya ang sasagiping hayop kung natatakot na makagat.—FRJ, GMA Integrated News