Ilang beses nang nakabisita sa Pilipinas ang bagong Santo Papa na si Pope Leo XIV.
Isa sa mga binisita niya ay ang San Agustin Church sa Intramuros, Manila.
Taong 2010 nang isagawa ang Intermediate General Chapter ng Order of Saint Augustine sa Pilipinas. Nagdaos noon ng banal na misa sa San Agustin Church sa Intramuros, Maynila, na pinangunahan ng dating Prior General ng Order of St. Augustine Robert Francis Prevost, na ngayo'y Pope Leo XIV.
Isa sa mga nakasama niya si Genesis Labana, OSA na seminarista pa lang noon.
Si Fr. Labana, na isang Filipino Augustinian priest na ngayon, ay nag-aaral sa Roma. Nasaksihan niya ang unang paglabas sa balcony ng St. Peter's Basilica ng bagong talagang Santo Papa.
Naiyak daw siya sa kasiyahan.
Kuwento ni Fr. Labana sa report ni James Agustin nitong Biyernes, Lunes nang huli niyang makita si Cardinal Prevost sa Agustinian General Curia at binati pa nga raw siya nito nang makasalubong niya sa kusina.
Noong Enero, siya rin daw ang nag-record ng video message ni Cardinal Prevost para sa ika-40 anibersaryo ng inagurasyon ng Augustinian province of Sto. Nino de Cebu.
Nakapunta si Pope Leo XIV, na noon ay Fr. Robert Prevost, sa Augustinian Province of Santo Niño de Cebu noong 2004.
"Nagkita kami sa likod ng kitchen namin nagkasalubong kami, ako papasok, siya papalabas. 'Yung moment na 'yon sabi niya sa akin, 'Oh' it was in English, sabi niya 'Oh Genesis, how are you? Na-surprise ako kasi he remembered my name," kuwento ni Fr. Labana
"I never expected that with that very short encounter with him," dagdag niya.
Isa pang Augustinian priest ang may close encounter sa bagong Santo Papa.
Sabi ni Fr. Jonas Mejares, OSA, nakasabay niyang mananghalian si Cardinal Prevost at pinasalamatan niya sa pagpapadala ng video message sa Pilipinas.
Lubos na ikinatuwa ni Fr. Mejares ang pagkakatalaga sa bagong Santo Papa na inilarawan niya na may mabuting kalooban.
"He is a very good man, very cool, talagang kung makikita mo siya ang akala mo istrikto pero kung malapitan mo siya he has a good heart," sabi ni Fr. Mejares.
"He is a person na kumpleto talaga sa pastoral, equipped siya d'yan. Sa administration, magaling siya d'yan because he became our prior general for two terms," dagdag niya.
Umaasa ang dalawang Augustinian priest na muling makabibisita sa Pilipinas ang Santo Papa. —VAL/RSJ, GMA Integrated News