Nasawi ang isang 37-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin sa Barangay Cembo, Taguig City. Ang suspek sa krimen, tumakas na pero binalikan pa ang nakatumbang biktima para barilin muli.Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang pagpasok ng salarin sa isang eskinita.Nilapitan nito ang biktima na nakatambay sa motorsiklo habang nagse-cellphone at kaniyang pinagbabaril.Nang matumba ang biktima, sumabay ang suspek sa pagtakbo ng mga natakot na residente. Pero binalikan ng suspek ang biktima at muling binaril bago siya tuluyang tumakas.Ayon kay Manuel de Jesus, assistant team leader ng barangay, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima.Limang basyo umano ang bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.Nitong Miyerkoles, naaresto ng mga pulis ang 41-anyos na suspek sa Barangay Pitugo. Tatlong sachet na may lamang hinihinalang shabu ang nakita sa kaniya.Ayon sa pulisya, onsehan sa ilegal na droga ang isa sa tinitingnan nilang motibo sa krimen.Pero itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa pagpatay sa biktima.Paliwanag niya, wala siyang galit sa biktima at isang linggo pa lang niya itong nakikilala.Sinabi ng pulisya na may isa pang kasabwat ang suspek sa krimen na patuloy nilang hinahanap.-- FRJ, GMA Integrated News