Kinumpirma ng Malacañang nitong Huwebes na pinayagan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na buksan ang tax records nina Pangalawang Pangulong Sara Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio.

Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang punong balitaan, kasunod ng pagsusumite ng BIR ng mga tax record ni Duterte sa Senate impeachment court.

“Kung ano sinasabi ng batas, kung ano ang proseso, susunod ang Pangulo,” sabi ni Castro.

“So, kung ‘yan ang sinasabi at kinakailangan na magbigay siya ng kaniyang approval sa BIR para mabuksan ang tax records nila VP Sara at Atty. Mans Carpio, at ito naman ay para sa katotohanan, hindi niya po ipagkakait ang katotohanan sa ating mga kababayan,”dagdag ni Castro.

Nang hingan ng komento, sinabi ng tagapagsalita ng Defense team na si Atty. Michael Poa na “no comment at this time.”

Noong nakaraang linggo, sinimulan ng korte ang pag-isyu ng mga subpoena para sa tax at bank records ni Duterte kaugnay ng impeachment trial. —Jamil Santos/ VAL GMA News