Nananatiling buhay sa alaala ng isang 80-anyos na lola ang kaniyang pumanaw na asawa dahil sa mga liham nito noong nagliligawan pa lamang sila, na kaniyang itinago magmula pa noong dekada 70s.

Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala si Norma Alcanar Barretto na ibinahagi ang kuwento ng kanilang pagmamahalan ng namayapang kabiyak na si Lolo Danilo.

Taong 1961 nang unang maging magkaibigan sina Norma, na edad lang na 15 noon, at si Danilo na 17 noon, sa isang club ng mga teenager na nagtitipon pagkatapos ng eskuwela.

“Naguwapuhan ako eh. At tsaka ang kinis niya noon, crush back ang tawag doon, ‘yung parang gusto mo siyang makita, ganu’n, crush back ‘yun. Hindi ko kasi alam 'yung mga ganu'n eh. Dudungaw na ako, aabangan ko na siya,” natatawang sabi ni Lola Norma.

Hindi pumuporma si Lolo Danilo sa harap ng kanilang mga kaibigan. Sa kabila ng pagiging mahiyain, masugid naman siya kung dumalaw sa bahay ni Norma.

“Kaya pagdating ng hapon, paglabas niya, labas ko, pupunta na sa amin ‘yun. Tapos may sulat na naman dumating, ‘Pasensiya ka na ika kung palagi akong pumupunta sa inyo. Baka ika’y 'yung naiinis na. Kaya lang ika, gustong gusto kong makikita ka,” kuwento ni Lola Norma.

Kalaunan, ipinagtapat na ni Danilo ang kaniyang nararamdaman, na idinaan pa rin niya sa sulat.

“Siyempre, kikiligin ka. Siyempre, parang masarap sa pakiramdam mo 'yung ganu'n. Naghintay pa ako ng ilang buwan,” ani Lola Norma.

Matiyaga si Danilo na sinuyo si Norma, hanggang sa sumasagot na rin sa kaniyang mga liham ang dalaga.

Pero si Norma, nagpaka-“dalagang Pilipina” kaya umabot ng mahigit tatlong taon ang kanilang ligawan.

“‘Sabi mo, sasagutin mo ako ng December, parang Pamasko mo sa akin.’ Sabi ko, ‘Teka muna. Baka maghintay-hintay ka pa.’ Kaya noong Valentine's, doon ko siya sinagot, harapan. E ‘di natuwa siya. ‘Sa wakas, nakuha ko rin ng sagot!,’” patuloy ni lola.

Samantala, naging hinanakit naman ni Norma sa pamilya ang plano ng kaniyang ina na mag-asawa ulit. Naisipan nilang magtanan na.

Ngunit sinundo sila ng kanilang magulang at kalaunan, napagpasiyahan nilang ipakasal na sina Norma at Danilo para hindi na sila magtanan.

Gayunman, inilihim nila ito noon sa pinagtatrabahuhang pabrika.

Matapos mabuntis, nagdesisyon na si Lola Norma na huminto sa trabaho. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng tatlong supling.

Si Danilo naman, pinasok ang pagme-mekaniko, pagiging construction worker, at hinanap pa ang suwerte sa pangingisda. Sa kasamaang palad, nanakawan pa siya ng bangka.

Namasada rin ng tricycle si Lolo Danilo para maitaguyod ang pamilya.

Nakapagtapos sa kolehiyo ang mga anak at nagkaroon na rin ng kani-kanilang pamilya.

Makaraan ang maraming panahon, mga apo naman ang pinagtuunan ni Lolo Danilo ng pansin.

Mas napatunayan ni Lola Norma ang pagmamahal ni Lolo Danilo nang magkaroon siya ng breast cancer sa edad 55.

“'Yung Bible, halos iganito ko sa katawan ko. Gumaling na ako. Sa awa ng Diyos, pinagaling naman Niya ako hanggang dito,” ani Lola Norma.

Hindi rin siya iniwan sa laban ni Lolo Danilo at hinarap nila ito na magkasama.

“‘Yung mga gawain kong magluto, maglipit, siya gumagawa. Bago siya lumambas ng tricycle, ‘Lakasan mo, Norma, magpagaling ka. Hindi ka pa mawawala sa amin,’” pag-alala ni Lola Norma sa bilin ng kabiyak.

Sa pagmamahal at pananampalataya, nalagpasan nilang dalawa ang malaking dagok na ito sa kanilang buhay na magkasama.

Taong 2024 nang humarap muli sila sa panibagong pagsubok sa buhay nang tamaan ng pneumonia at sakit sa kidney si Lolo Danilo.

Humantong sa bangungot ang akala nilang check-up lang nang hindi na pinauwi ng ospital si Lolo Danilo. At isang linggo lamang matapos nito, pumanaw na siya.

“May binitawan po siya na salita, ‘Hintayin mo ako ha, at uuwi ako. Eh, hindi nangyari. Masakit dahil nagpaalam siya na uuwi siya. Tapos hindi nangyari,’” emosyonal na sabi ni Lola Norma.

Unti-unting kinaya ni Lola Norma ang pagkawala ng asawa sa tulong ng kanilang pamilya, na palagi siyang sinasamahan.

Kaya ganito na lamang ang pagpapahalaga ni Norma sa mga sulat ni Danilo sa kaniya.

Ang inumpisahan ni Lolo Danilo na pagsusulat ng liham, ipagpapatuloy ng kanilang mga apo para kay Lola Norma.

Sa nalalapit na ikalawang anibersaryo ng kamatayan ni Lola Danilo sa Hulyo 27, si Lola Norma naman ang magsusulat ng liham sa pinakamamahal na asawa.

“Tay, alam ko na masaya ka na diyan sa kinaroonan mo ngayon. Huwag mo akong intindihin dahil hindi naman ako pinababayaan ng mga anak natin. Alam ko na darating ang araw na magkakasama tayo diyan with our Lord Jesus Christ. Nami-miss ko na ang iyong mga pag-aalala sa akin. Miss na miss na kita and I love you so much,” saad ni Lola Norma sa kaniyang sulat para kay Lolo Danilo. – FRJ GMA News