Para maiba sa tradisyonal na masahe, isang spa sa Antipolo, Rizal ang nakaisip ng kakaibang pakulo sa kanilang serbisyo—ang lagyan ng apoy ang likod ng kanilang kliyente. Kumusta naman kaya ang kita? Alamin.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang Rain Forest Spa and Wellness Center na itinayo ng negosyanteng si Aileen Tiezo, isang taon na ang nakararaan.
“Gusto ko kasi something unique na hindi pa nai-experience dito. Ayoko 'yung most likely 'yung traditional masyado,” sabi ni Aileen.
Kadalasang mga masakit ang likod at laging nakatayo ang suki ng kanilang patok na “fire massage,” kung saan sinisilabaan ng ilang segundo ang likod ng kliyente.
Sa paghahanda sa procedure, sisimulan ng therapist ang kaniyang simpleng massage sa kliyente para matukoy ang nais na “pressure” o diin ng kliyente.
Sunod na itong lalagyan ng cooling effect gamit ang Arnica gel, na gawa sa bulaklak ng halamang Arnica.
Malamig sa pakiramdam ang Arnica gel kaya madalas itong ginagamit para mabawasan ang muscle pain at pamamaga.
Matapos nito, gamit ang mainit na mga bato, ipapadama sa likod ng kliyente ang init.
Sunod naman ang pagpapaapoy sa likod ng kliyente na papatungan ng tuyong tuwalya at lalagyan ng kaunting alcohol at saka sisilaban.
Para naman sa mga binti at paa, lilinisin muna ito, saka lalagyan ng scrub at mud mask habang minamasahe. Gagamit ng hot stones para sa pampainit at pampa-relax, at Arnica gel para sa cool feeling.
Edad 17-anyos pa lang si Aileen nang isipin na niya ang pangarap na negosyong spa.
“Sabi ko, bakit kaya 'yung mga spa dito sa Pilipinas parang kulang-kulang? So ‘yun nga, sabi ko, ‘pag ako magkaroon ng spa, gusto ko nandu’n ang lahat.”
Kalaunan, nagtrabaho si Aileen sa isang spa ng kanilang kapitbahay.
“Hanggang sa, talagang actually thankful na rin ako eventually kasi mas malaki pala 'yung kita. Mas maganda pala 'yung kita sa ganitong industry. Hanggang sa minahal ko na siya,” kuwento niya.
Makaraan ang ilang taon, napilitang siyang mangibang-bansa para sa mas malaking kita at suportahan ang kaniyang inang may sakit.
“Gusto ko siya mapagamot. Eh, hindi sasapat kung dito lang sa Pinas. Unang first check-up ni nanay, sabi ka agad sa akin ng doktor, ‘Nanay mo is mabubuhay na lang ng six to ten months.’ Sabi na lang ng nanay ko sa akin, ‘Huwag mo na ako ipagamot. Gusto ko na lang makapunta sa lugar kung saan ka nagtatrabaho,’” kuwento ni Aileen.
“So sabi ko, tinibayan ko 'yung loob ko sabi ko, ‘Sige babalik ulit ako ng ibang bansa. Ngayon, itu-tour kita,’” pagpapatuloy niya.
Kalaunan, binawian na ng buhay ang kaniyang ina, at ilang buwan lamang ang nakalipas, tatay naman niya ang namaalam.
“Parang wala na akong choice lahat sa buhay ko. Ako na pipili, hindi na 'yung tadhana 'yung pipili, ako na 'yung pipili. So sabi ko, ‘Ano ba 'yung gusto kong trabaho?’ Saan ko nakikita 'yung sarili ko?’ So doon ko naano 'yung sarili ko? ‘Ah, gusto kong magtrabaho sa seven star na spa,’” pagbahagi niya.
Nagtrabaho sa isang spa sa cruise ship si Aileen, at muling nagsimula ang kagustuhan niyang magtayo ng negosyo.
Pagkauwi ng bansa, tinupad ni Aileen ang kaniyang pangarap na spa.
Namuhunan si Aileen ng nasa P300,000 mula sa naipon sa pagtatrabaho sa cruise, at sa munting canteen na una niyang negosyo.
Hanggang sa unti-unting lumago ang kaniyang business, na kumikita na ngayon ng P500,000 hanggang P700,000 kada buwan.
Bukod sa massage, manicure at pedicure, mayroon din ditong gym, wet and dry sauna, at jacuzzi.
“Along the way, basta mahal mo 'yung ginagawa mo. Kahit anong trials pa diyan, anong pagsubok, mamimithi mo talaga siya. Mangyayari't mangyayari talaga,” sabi ni Aileen. -- FRJ GMA News
