Arestado ang 36-anyos na lalaki sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Inireklamo ang suspek matapos umanong pagbantaan ang 22-anyos na babae na ipapakalat ang maselang video kapag hindi nakipagkita.

Ayon sa pulisya, nagkakilala ang biktima at suspek online.

“Base sa imbestigasyon matapos nilang magkakilala online, nagpasya silang magkita noong July 18 at nagkaroon sila ng pagkakataon na pumasok sa isang motel. Pagkatapos noon ay ‘di umano dinelete ng lalaki ng suspek ang mga conversation nila. Mismong galing sa biktima na merong nangyari sa kanila sa una nilang pagkikita,” ano Police Capt. Elvin Olmedillo, ang hepe ng Talipapa Police Station Investigation and Detective Management Unit (SIDMU).

Matapos daw ang mahigit isang linggo, muling nakatanggap ng mensahe ang babae na may kasamang pagbabanta.

“Base po sa biktima ay meron daw ho kuhang maselang video itong lalaki sa kanilang pagkikita. At nagdemand itong lalaki na muli silang magkita at pinipilit na may mangyari ulit sa kanila. Doon na po pumunta sa aming istasyon yung babae at humingi ng tulong,” dagdag ni Capt. Olmedillo.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang cellphone na bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

Nakakulong sa Talipapa Police Station ang suspek na itinanggi ang alegasyon.

“Walang hong katotohanan po yon. Wala pong video. Wala po akong sinaktan. Wala po akong ginawang mali,” sabi ng suspek.

Sinampahan ang suspek ng mga reklamong grave coercion in relation to Cybercrime Prevention Act, at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko para maiwasan ang ganitong insidente.

“Huwag basta basta makikipagkita sa mga tao nakikilala through online at kilalanin mabuti at huwag agad agad magpapasya na makipagrelasyon or sumama kahit saan,” ani Capt. Olmedillo. —VAL GMA News