Kinumpirma at nilinaw ng Department of Finance (DOF) ang 20% tax sa savings o bank deposits pero hindi umano ang kabuuang ipon ang bubuwisan kung hindi ang interes o tubo lamang.

Sinimulan ngayong Hulyo ng mga bangko ang pagpapatupad ng iisang 20% na final withholding tax (FWT) sa kita mula sa interes, anuman ang tagal ng deposito, alinsunod sa ipinasang panukala na Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kamakailan lang, umani ng puna mula netizens ang naturang 20% tax sa savings na dulot umano ng kalituhan sa mga kumakalat na online posts na inakalang ipapataw sa kabuuang ipon o deposito sa bangko.

Sa isang pahayag, nilinaw ng DOF na tanging interes o tubo lang mula sa savings ng depositor sa bangko ang bubuwisan ng 20%, at hindi ang buong ipon.

“Huwag maniwala sa fake news. Maging mapanuri sa mga articles at posts na kumakalat online na ginawa para magpakalat ng maling impormasyon,” payo ng DOF.

Sa ilalim ng CMEPA o Republic Act 122141 na nilagdaan noong Mayo, lahat ng kita mula sa interes na inilagak sa bangko ay papatawan ng 20% na buwis, na sinimulang ipatupad ng mga lokal na bangko noong Hulyo 1, 2025.

“A final tax of 20% is hereby imposed upon the amount of interest yield, or other monetary benefit earned or received from any currency bank deposit, deposit substitute, trust fund, or other similar arrangements,” saad sa Section 6 ng batas.

Layunin ng CMEPA na ayusin ang ilang bahagi ng National Internal Revenue Code, para "i- harmonize" at gawing simple ang pagbubuwis sa passive income mula sa iba’t ibang financial instruments, at mahikayat ang publiko na pasukin ang capital o stock markets ng bansa.

Bago gawin ang kontrobersiyal na batas, may iba't ibang rate base umano sa maturity o haba ng lock-in period sa deposito:

  • 20% para sa mas mababa sa tatlong taon
  • 12% para sa tatlong taon hanggang mas mababa sa apat
  • 5% para sa apat hanggang mas mababa sa limang taon
  • Libre sa buwis kung lampas limang taon
  • 15% para sa foreign currency deposit units (FCDUs) o dolyar

“The CMEPA merely corrects this outdated and inequitable system that placed a heavier burden on ordinary Filipinos who do not have the extra cash to put in banks for longer periods,” paliwang sa pahayag ng DOF nitong Huwebes.

Batay sa tinatayang datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sinabi ng DOF na dati nang pinapatawan ng 20% na buwis ang 99.6% ng kabuuang deposito, habang 0.4% lamang ang nakikinabang sa mas mababang buwis.

“This special tax treatment favored depositors who can afford to park their savings in long-term deposits, making the tax unfair for short-term depositors who face liquidity issues and need immediate access to their funds,” dagdag ng DOF.

Ayon pa sa DOF, hindi sakop ng naturang pagbubuwis ang mga provident savings program ng SSS at Pag-IBIG gaya ng MP2. – mula sa ulat nina Ted Cordero/Jon Viktor D. Caduenas/FRJ, GMA Integrated News