Sugatan ang isang rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa gilid ng isang dump truck sa Laoag City, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa panulukan ng Barangay 7D at Barangay 8.

Sa video footage, makikita na may signage sa kanto ng crossing na “full stop” pero nagdire-diretso ang rider na mabilis ang arangkada.

Bigla namang sumulpot ang truck at bumangga ang rider sa gilid nito.

Natumba ang motorsiklo at makikita na pilit na tumatayo ang rider pero hindi niya magawa. Inalalayan naman siya ng mga nakasaksi sa pangyayari.

Huminto naman ang truck matapos ang insidente.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng sugat ang rider at dinala sa ospital.

Wala pa umanong pahayag ang mga sangkot sa insidente.—FRJ GMA Integrated News