Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na inalok ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si dating PNP chief Police General Nicolas Torre III ng posisyon sa gobyerno na may kaugnayan sa paglaban sa katiwalian.
Inihayag ito ni Remulla sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, isang araw matapos sibakin ni Marcos sa puwesto bilang PNP si Torre, at italagang OIC Chief PNP si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon kay Remulla, walang silang personal na alitan ng pangulo kay Torre. Ang magkaibang pananaw umano tungkol sa kapangyarihan ng PNP chief sa pagtatalaga o pagbalasa sa mga matataas na opisyal ng kapulisan na iba sa pananaw ng National Police Commission (Napolcom) ang naging dahilan para alisin si Torre sa posisyon.
Pinairal umano noong nakaraang administrasyong Duterte ang naturang sistema na hayaan ang PNP chief na magbalasa sa mga matataas na posisyon sa PNP na hindi ipinapaalam sa NAPOLCOM. Nang tanungin umano siya ni Marcos tungkol sa usapin, sinabi ni Remulla na inirekomenda niya na ibalik sa dati ang sistema para maitama ang mali, at muling palakasin ang institusyon.
Ex officio chair ng NAPOLCOM si Remulla, bilang kalihim ng DILG, na nakasasakop sa PNP.
Tungkol sa posisyon na inialok umano ni Marcos kay Torre, sinabi ni Remulla, "It has something to do with anti-corruption. So, I'm telling you...The President still really believes in General Torre."
"It is still enough that he be... offered a position to fight corruption and to investigate corruption," dagdag niya.
"I think that shows you that a difference of opinion does not necessarily mean an end of a friendship, an end of a working relationship. It was just that," sabi pa ni Remulla.
HINDI MASAMA ANG LOOB
Samantala, sinabi ni Torre na nakabakasyon siya ngayon, at wala siyang sama ng loob sa pagkakatanggal niya bilang hepe ng PNP.
"I took a leave, which I will do. I think this will be the second time in my career. I’m thinking about how long it will be, since it is for the approval of the chief PNP. I'm planning to use the maximum leave authorized, my vacation leave, my service leave,” sabi ni Torre nang makapanayam ng media nang magpunta siya sa Kamara de Representantes nitong Miyerkoles, nang bisitahin niya si ML party-list Rep. Leila De Lima.
“Obviously, I need the time. I need the time off. I also need the time off to answer reporters,” biro pa niya.
Nang tanungin kung sinusuportahan pa rin niya ang pangulo, sagot ni Torre, "Of course."
"Wala akong sama ng loob... I'm a good soldier," dagdag niya.
Gayunman, tumanggi siyang sabihin kung inalok siya ng posisyon sa gobyerno at kung tatangapin ba niya ito. Aniya, mas makabubuting manggaling ang opisyal na pahayag mula sa Palasyo.– FRJ GMA Integrated News
