Inihayag ni Senate blue ribbon committee chairperson Rodante Marcoleta na may nagpaparamdam at interesadong maging testigo sa isinasagawang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects pero nag-aalinlangan dahil sa banta sa buhay na natatanggap.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Marcoleta na ilang personalidad na sangkot sa flood control projects anomaly ang nakalabas na ng bansa.
“Doon kasi sa mga pagtakas, hindi ko naman sinasabing tumakas na pero 'yung mga nagsasabi sa akin [na] patawarin ko na sila, ay nasa Amerika na talaga 'yung iba,” saad ni Marcoleta sa panayam ng GMA Integrated News’ Unang Balita.
Ayon kay Marcoleta, walang kapangyarihan ang Senate panel na magpalabas ng hold departure order (HDO) upang pigilan na makalabas ng bansa ang isang personalidad. Pero maaari silang humiling ng “lookout order” laban sa mga ito.
“Ang Blue Ribbon naman kasi wala naman kaming power mag-issue ng hold departure order, korte lang,” paliwanag ng senador. “So kinakailangan naming sundin ang mga proseso. Lookout order lang ang puwede naming i-request. So gagampanan namin 'yung task na 'yan under the circumstances.”
Sinabi rin ni Marcoleta na may interesadong tumestigo at magturo ng mga mambabatas at opisyal sa Department of Public Works and Highways na sangkot sa katiwalian sa flood control projects.
“Meron nang lumalapit na gustong gawin. Medyo nag-aalangan nga lang sapagkat merong threat sa buhay nila,” ayon sa senador.
“Actually may nag-note na ganun. Sabi niya gusto ko sanang itama lahat ng ito. Nangangamba lang ako sa buhay naming mag-anak,” ‘patuloy niya.
Naniniwala si Marcoleta na hindi “most guilty” ang mga kontratista sa naturang anomalya. Kaya hinihikayat niya ang mga kontrsatista na tukuyin ang mga mambabatas at DPWH officials na sangkot sa katilwalia sa flood control projects.
“Kung papayag kayo na i-dispense natin ang criminal prosecution, civil liability kayo. You indemnify the government. Bayaran ninyo 'yung pagkakamali ninyo. Kung halimbawa defective, ayusin ninyo,” payo ni Marcoleta sa mga kontratista.
“Pero magturo kayo. So 'yung ituturo ninyo will be subjected to criminal prosecution. Ganun ang gawin natin,” dagdag niya.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

