Nagbitiw sa kaniyang puwesto si Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) Executive Director Atty. Herbert Matienzo, sa harap ng imbestigasyon tungkol sa umano’y lagayan para mabigyan ng akreditasyon sa mga kontratista na nais makakuha ng proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB ni Christian Mano nitong Huwebes, kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Roque na nagbitiw si Matienzo noong Setyembre 3 dahil sa "personal reasons."

Noong Miyerkoles, inihayag ni Roque na isinailalim niya ang Construction Industry Association of the Philippines (CIAP) at ang mga implementing board nito na PCAB, sa kaniyang direktang pangangasiwa.

Ginawa niya ang mga hakbang matapos niyang ihayag ang pagbuo ng isang fact-finding team para mangasiwa sa imbestigasyon sa PCAB. Kasunod ito ng ang mga alegasyon ng conflicts of interest, mga iregularidad sa akreditasyon, at posibleng pang-aabuso sa kapangyarihan sa gitna ng mga pagsisiyasat sa mga maanomalyang flood control project.


Nauna rito, binawi ng PCAB ang contractor’s licenses ng siyam na construction companies na pag-aari at kontrolado ni Sarah Discaya, na kabilang sa mga iniimbestigahan tungkol sa mga maanomalyang flood control project.
 


Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV News Balitanghali, sinabi ni Roque na dalawang miyembro pa ng PCAB ang nagbitiw.

Sinabi rin ni DPWH Secretary Vince Dizon nitong Lunes na isasagawa ang malawakang revamp sa loob ng PCAB.

“Kasama rin po iyan dito sa napakalaking web na ang kadahilanan dito sa mga napakasamang mga proyekto na ginamit ang pondo ng bayan at dahilan kung bakit hirap na hirap po ang ating mga kababayan, hindi lamang sa Bulacan, hindi lamang sa Metro Manila kung hindi all over the country,” anang kalihim. – Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News