Sa halip na ilaan sa mga pampublikong ospital at rural health units (RHUS), sinabi ni Iloilo Representative Janette Garin na may P1 bilyong pondo nakatala sa 2026 panukalang budget ng pamahalaan upang gastusin sa pagpapaganda umano ng mga opisina ng Department of Health (DOH). Tanong ng kongresista, paano ito nakalusot sa Department of Budget and Management (DBM)?
Ayon kay Garin na dati ring kalihim ng DOH, ang naturang alokasyon na nasilip sa pagdinig ng House committee on appropriations, ay hindi tugma sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagsusulong ng “zero balance billing” sa mga ospital para sa mahihirap na pasyente.
“Ang gusto ng Presidente, zero balance billing. Ang hinaing naman ng mga hospital, dagdagan ‘yung kanilang pondo kasi lumaki ang kailangan ng mga pasyente. Pero teka, paano nakalusot sa DBM na tila meron approximately isang bilyon na… instead na pondo para sa mga ospital at mga RHU ay nilagay ng DOH pampaganda ng kanilang mga opisina?” tanong ni Garin.
Binigyang-diin ng dating kalihim ng DOH na salungat sa direksyon ng polisiya ng pangulo ang mga kaduda-dudang item sa National Expenditure Program (NEP) NEP, na maling ibinibintang sa Kongreso.
“In other words, napagbibintangan ang Kongreso sa mga kapalpakan na nangyayari sa budget,” giit ni Garin.
Sabi pa ng kongresista, maging ang mga “ghost project” at “substandard project” ay nakalagay na sa mga dating budget o NEP bago pa man matalakay ng mga mambabatas.
“‘Yung mga ghost project, ‘yung mga substandard projects na nakita eh lumalabas wala pa sa Kongreso ang nakaraang mga budget, nanduduon na ‘yun sa listahan. So paano natin lilinisin kung ikinalat ang dapat na linisin [na]?” saad ni Garin.
Dahil dito, sinabi ni Garin na kinakailangan ng mga mambabatas na magdoble-kayod para matanggal ang mga hindi kailangang alokasyon.
“Actually ang pinakamalaking problema ngayon, nagdodoble ang trabaho ng Kongreso kasi hinahanap mo ‘yung mga basurang naipasok sa budget. Eh kung sana maituro na ito ng DBM, mas magiging mabilis ang trabaho ng lahat,” dagdag niya.
Nagpahayag din si Garin ng pag-aalala sa mga ulat na basta na lamang ipinapasa ng DBM ang budget proposals mula sa mga ahensya nang hindi sinusuri kung ito ay akma sa mga prayoridad ng administrasyon.
“Kagaya ng DPWH, ipinasa daw sa DBM, ang DBM dinaanan lang, hindi na nila tsinek. If that is the case, it’s very troubling. Kasi paano kung meron kaming hindi nakita? Siyempre ang dagok nito kay Pangulong Bongbong Marcos,” sabi pa ni Garin. — mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

