Sinibak sa puwesto ang pitong pulis-Maynila na inireklamo ng delivery rider sa National Police Commission (NAPOLCOM) dahil sa ginawang pag-aresto sa kaniya at sa isang kasama noong Martes dahil sangkot umano sila sa ilegal na droga. Ang biktima, sinaktan at ninakawan umano ng mga pulis, habang nakakulong naman ang isa.
Sa press conference nitong Biyernes, sinabi ng NAPOLCOM na sinampahang ang mga pulis ng reklamong grave misconduct, grave irregularity in the performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer.
Ayon sa nagreklamo, bumibili siya ng milk tea noong Martes ng hapon sa Sampaloc nang makita rin at makakuwentuhan ang isa pang delivery rider.
Hindi nagtagal, dumating na ang mga pulis at pinosasan sila at isinakay sa magkahiwalay na sasakyan.
Ayon sa nagreklamo, kinuha ng mga pulis ang kanilang cellphones, gintong singsing at motorsiklo. Kinuha rin umano ng pulis ang pera niya sa GCash account na P9,000.
“Sampung buwan ko pong iniipon yun para po sa isang taon ng anak ko pero kinuha lang po nila,” anang biktima.
Doon lang umano nagpakilala na mga pulis ang humuli sa kanila.
“Tinatanggal po nila yung plaka nila pati po yung conduction sticker po ng sasakyan nila. Kaya ako po nagtataka na po ako bakit po ganun yung ginagawa nila,” dagdag ng biktima.
Sinundo umano ng mga pulis ang kanilang “chief” sa Manila Police District (MPD) headquarters, at nagpaikot-ikot sila sa Quezon City, Marikina City, at Rizal.
“Hindi ko na po alam kung ano po yung puwede mangyari sa amin dahil sinasabi po nila sa amin na isa-salvage daw po nila kami na hindi po namin alam ang dahilan,” dagdag niya.
Nang tumawag ang kapatid ng biktima, kinausap umano ito ng mga pulis pero hindi sinabi kung nasaan sila.
Nang bumalik sila sa Sampaloc at tumigil sa isang kainan, nagawang makatakas ng biktima.
Habang ang isa pang delivery rider, idinetine sa MPD facility, ayon sa biktima.
Sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno, inalis ni MPD acting director Police Brigadier General Arnold Abad, sa puwesto ang pinuno ng at mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) kasunod ng reklamo ng biktima.
Ayon sa MPD, inireport ng mga inirereklamong pulis noong September 10, na inaresto ang dalawa dahil sa ilegal na droga.
“We will not tolerate any misconduct by its members. There will be no zero tolerance for erring personnel once proven, the trust of the community is non-negotiable,” ayon kay Abad.
Ayon kay NAPOLCOM vice chairperson and executive officer Ralph Calinisan, magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) sa insidente.
"The NAPOLCOM remains committed to promoting transparency, accountability, and justice within both the police force and public service, reinforcing its mandate as an oversight body of the Philippine National Police (PNP)," ayon sa komisyon. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
