Kuyog ang inabot ng isang 29-anyos na lalaki mula sa mga residente matapos siyang pumasok sa bahay ng mag-asawang senior citizen sa Barangay 186, Tondo, Maynila. Ayon sa pamilya nito, nagkaroon ng health problem ang lalaki matapos silang maghiwalay ng kanyang live-in partner.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang CCTV ng pagtakbo ng lalaki, na naka-violet sa bahagi ng Benita Street tanghali ng Nobyembre 2.

Hanggang sa naabutan ang lalaki sa Benita Extension at doon na siya ginulpi ng mga residente.

“May mga tama po siya dito sa tuhod, sugat lang po siya sa tuhod. Siyempre ako naman po bilang kagawad po, siyempre ayoko naman pong masaktan din ang tao. Talagang hinihila ko siya sa patrol namin, isinakay na po namin siya agad, dinala namin sa barangay,” sabi ni kagawad Omar Fabula ng Barangay 186.

Sinabi ng barangay na agad namang nagpunta ang pamilya ng lalaki at nagpaliwanag tungkol sa kaniyang kondisyon.

Gayunman, walang naipakitang dokumento ang pamilya ng lalaki tungkol sa kaniyang kondisyon, ayon sa pulisya.

Wala ring nakuhang gamit sa mag-asawang senior citizen, kaya hindi na umano sila magsasampa ng reklamo.

“Nu’ng pag-iimbestiga po namin, sabi naman po, wala lang, pumasok lang daw doon sa bahay na ‘yun, siguro 'yun daw ‘yung nagustuhan niya. Ang sabi po ng kamag-anak ng suspek, magpa-file po sila ng kaso roon po sa mga ma-identify nilang nambugbog sa kamag-anak nila,” sabi ni Police Lieutenant Norman Patnaan, Station Commander ng MPD-7.

Nakausap din ng GMA Integrated News ang dating live-in partner ng lalaki.

Ayon din sa kaniya, may health condition ang lalaki, at dati nitong tinirahan ang bahay na pinasok nito.

“Akala niya po talaga bahay pa rin po nila 'yun. Kaya umakyat po siya. Pero hindi po 'yun magnanakaw,” sabi ng dating live-in partner ng lalaki. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News