Nagpunta ang kontratistang si Sarah Discaya sa National Bureau of Investigation nitong Martes para sumuko matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nakatakdang maglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay John Consulta ng GMA Integrated News, sumuko si Discaya sa punong tanggapan ng NBI sa Pasay City ng 10 a.m. kasunod ng pahayag ng Pangulo.

Nakipag-ugnayan umano ang kontratista sa NBI tungkol sa kaniyang pagsuko. Kasalukuyan siyang naghihintay sa paglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya, ayon sa ulat.

Sa isang video message na inilabas kanina, sinabi ni Marcos na inaasahan ang warrant para sa pag-aresto kay Sarah Discaya ngayong linggo.

"Inaasahan na din nating lalabas ang warrant of arrest ni Sarah Discaya itong linggong ito, at hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kanya," sabi ni Marcos.

Laman ng mainit na usapin si Discaya at ang kaniyang asawang si Pacifico matapos madawit ang kanilang mga construction firm sa mga umano'y anomalya sa flood control projects. Pag-aari nila ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, isa sa 15 kompanyang pinangalanan ni Marcos na nakakuha ng 20% ng flood control projects sa bansa.

Sinabi rin ni Marcos na mayroon ding walong tauhan ng Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental na nagpadala ng mga sulat na nagpapahayag ng kanilang intensyong sumuko sa NBI upang harapin ang kanilang mga kaso kaugnay ng mga anomalya sa flood control.

Nahaharap sina Discaya at siyam na iba pa sa mga kaso ng umano'y malversation of public funds at umano'y paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng P96.5-milyong ghost flood control project sa Barangay Culaman sa bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.

Nauna nang nagpahayag ng intensyon ang mag-asawang Discaya na maging state witness sa imbestigasyon, ngunit sinabi ng Office of the Ombudsman na wala silang posibilidad dito dahil sa malalim nilang pagkasangkot sa mga anomalya.

Kalaunan, tumigil ang mag-asawa na makipag-ugnayan sa Department of Justice. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News