Matapos magtago ng ilang taon, naaresto sa Pangasinan ang 55-anyos na lalaki dahil sa paulit-ulit na panggagahasa umano sa dalawang menor de edad niyang apo.
Ayon sa pulisya, sa bahay ng pamilya sa Marikina city nangyari ang panggagahasa na tumagal ng apat na taon.
Nagagawa raw noon ng akusado ang krimen sa tuwing maiiwan sa bahay ang mga biktima habang nagtatrabaho ang kanilang mga magulang.
“'Yung unang biktima niya ay 14-years-old that time at nangyari yun from July 2021 to October 2023. Samantalang yung kaniyang nakakabatang kapatid ay nangyari naman sa kaniya 11-yearsoold siya that time at from August 2023 to June 2024,” sabi ni Police Marikina City Police Chief Colonel Jenny Tecson.
Hindi raw agad nakapagsumbong ang magkapatid, ayon sa pulisya.
Una raw nagsabi ang mga biktima sa kanilang guro na siya namang nagbigay alam sa mga magulang ng magkapatid.
Pormal na naghain ng reklamo ang pamilya laban sa kanilang lolo noong September 2024.
“Nung nai-file na po yung kaso ay nawala na rin bigla yung kaanak nila dito na may kagagawan po sa kanila at ito ay napag alaman natin na nagtago ng matagal sa pangasinan,” dagdag ni Tecson.
October 2025 nang ilabas ng korte ang warrant laban sa akusadong si "Alyas jun."
Nitong March 7, naaresto ng Marikina Police ang akusado sa Bani, Pangasinan.
Itinanggi ng akusado ang panggahasa.
“Hindi ko magagawa po kasi yung bahay po talaga namin, napakaliit lang, magkakasama po kaming lahat,” sabi niya.
Ang pamangkin ng asawa raw niya ang nanggahasa sa mga biktima.
“Sila yung lagi pong magkakasama. Pagka sa gabi po, magkatabi po silang natutulog. Inosente po ako,” sabi niya.
Hindi rin daw totoo na nagtago siya sa Pangasinan.
Aniya, pinalayas daw siya ng pamilya matapos niyang tumigil sa pamamasada bilang isang tricycle driver.
Sinampahan ng kasong 14 counts of qualified rape ang akusado na naka-detain sa Marikina city police custodial facility. —VAL GMA Integrated News
