Timbog ang isang 29-anyos na lalaki matapos siyang maaktuhang nagnanakaw sa isang bahay sa Barangay Kaligayahan, Quezon City. Ang suspek, dating nobyo ng anak ng may-ari ng bahay na sinabing nagawa niyang magnakaw para may pambayad ng utang.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagresponde ng pulisya sa loob ng isang bahay matapos makatanggap ng ulat na may nagnanakaw umano.
Nang pasukin ang bahay, inabutan ng pulisya ang suspek sa kuwarto, at agad siyang dinakip.
Lumabas sa imbestigasyon na walang tao sa bahay nang mangyari ang pagnanakaw matapos magbakasyon ang may-ari sa ibang bansa.
Ngunit tiyempong umuwi ang isa sa mga anak ng may-ari ng bahay, na nakatuklas sa pagnanakaw.
Dumaan umano ang suspek sa bubong para makapasok sa bahay.
“Tinanggal niya isa-isa ‘yung bubong. Tapos through sa bubong, sa kisame, bumaba po siya. Doon nagsimula na siyang maghalungkat ng mga gamit,” sabi ni Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, commander ng Pasong Putik Police Station.
“‘Yung isang victim natin na galing ng Laguna, gusto lang niya mag-ocular inspection kasi alam nga niya na walang tao 'yung bahay ng parents niya. Na-discover niya may tao doon sa loob ng bahay. Kaya po tumawag agad sila ng pulis,” dagdag ni Tubiera.
Nabawi sa salarin ang mga ninakaw na alahas na P60,000 ang halaga at iba pang gamit, kasama ang isang lagare.
Sinabi ng pulisya na dating kasintahan ng suspek ang isa sa mga anak ng may-ari ng bahay.
“Ma-establish namin na kaya din niya alam na may puwedeng nakawin kasi nakapasok siya dati doon sa bahay,” sabi ni Tubiera.
Nagsisisi at umamin sa nagawang krimen ang suspek, na sinabing kailangan niya ng pera na pambayad sa utang dahil sa sugal.
“Ang dami po kasi nanggigipit sa akin, ang dami din pong utang at manganganak na din po kasi 'yung aking partner na kinakasama ngayon. Ako po ay humihingi ng sobra-sobrang patawad po. Ako po ay nagsisisi, aminado po ako lahat sa lahat ng nagawa,” anang suspek.
Sinampahan ang suspek ng reklamong robbery. —Jamil Santos/KG GMA News
