Ang kagustuhang umuwi ng isa sa dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakikita ng Department of Migrant Workers (DMW) na posibleng motibo sa ginawang sa pagpatay sa kanila ng kanilang amo sa Lebanon.
Sa isang panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi ni DMW Undersecretary Bernardo Olalia na batay sa paunang imbestigasyon sa nangyaring krimen, sinasabing may mental health issues ang suspek ngunit hindi ito pinaniniwalaan ng legal team ng mga OFW.
“Maaaring ‘yon ay afterthought lamang. Ang tunay na dahilan diyan, baka ‘yan ay isang simpleng murder o talagang sinadyang pinatay, dahil ayon po doon sa aming initial investigation, nais na umuwi ng ating OFW,” anang opisyal.
Ayon kay Olalia, undocumented worker ang biktima na pumasok umano sa Lebanon gamit ang tourist visa at hindi na nakauwi mula nang magsimulang magtrabaho roon 11 taon na ang nakakalipas.
“Labing-isang taon na po siya doon sa Lebanon at mula po nung dumating at nagtrabaho doon, hindi pa po nakaka-uwi dahil isa siyang undocumented na worker. Maaaring yun ang motibo at dahil sa ganoong sitwasyon, medyo komplikado kaya kinakailang alamin natin ang buong katotohanan,” dagdag niya.
Iniulat na nasawi ang mga OFW matapos silang bihagin at barilin ng kanilang amo sa Beirut, Lebanon noong Abril 15.
Sinabi ng DMW na pinag-aaralan na nito ang mga posibleng kasong isasampa laban sa suspek.
“Ang itutulak nating kaso ay yung pinakamabigat. Kung murder, dapat murder and isampa at kung sa ganoon hindi po makapagpiyansa dahil non-bailable ang murder kahit saang lugar,” saad niya.
Samantala, sinabi ng DMW na wala pang tiyak na petsa para sa repatriation o pag-uwi ng mga labi ng mga biktima.
“As of now, no confirmed date pa po ng repatriation ng remains. Usually, these cases are covered by AKSYON Fund po, for the family… Mayroon na [tayong coordination with the family], and legal assistance is kasama po sa AKSYON Fund,” mensahe ng DMW sa GMA News Online.
Binisita na rin ng mga opisyal ng DMW ang mga pamilya ng mga biktima at nag-alok ng iba’t ibang tulong, kabilang ang welfare assistance at posibleng pagpunta sa Lebanon upang kunin o dalawin ang mga labi ng kanilang kaanak. — Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA News

