Umaani ng libo-libong views online ang mga post ng isang dalaga sa Leyte, hindi lang dahil sa kaniyang dance moves kundi maging sa kaniyang mga braso at binti na kapansin-pansin na mahaba. Ano kaya ang iniinda niyang kondisyon? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 18-anyos na si Cindy Entira, na may taas na five feet at three inches. Pero kapansin-pansin ang kaniyang mga braso na may habang 32 inches mula sa kaniyang balikat hanggang sa dulo ng kaniyang mga daliri sa kamay.
Ang haba naman ng kaniyang bewang hanggang sa mga talampakan, nasa 45 inches.
Nagmumukha lamang umanong matangkad at tila may mahabang biyas si Cindy dahil sa kaniyang pagiging payat at maninipis na mga braso at binti.
Nagsusuot din si Cindy ng maluluwag na damit para itago ang kaniyang spine o gulugod na kakaiba ang porma, na nagpapahirap sa kaniyang paggalaw.
“‘Pag nagbibihis po ako ng damit nakikita ko po doon sa salamin, ang pangit na ng likod ko, bakit ganito na? Dati wala naman ‘to,” anang dalaga.
“Kapag umupo ako, masakit po 'yung bewang ko po. Hindi po ako nakakapagtagal. 'Yung paglalakad hindi ko na po kaya, napapagod na po ako. Kaya minsan po, hingal po talaga,” patuloy niya.
Laki si Cindy sa kaniyang lola na si Ofelia Entira. Ayon sa kaniya, mahina ang baga ng bata nang ipatingin sa doktor, at isinailalim ito sa tatlong buwang gamutan.
Ngunit dahil sa pagsisikap at pag-aaruga ni Nanay Ofelia, bumuti ang lagay ni Cindy.
Pagtapak ni Cindy sa elementarya, napansin ni Nanay Ofelia na tila sumobra naman ang kapayatan ng bata. Hinala niya, namana lamang ito, dahil matangkad din ang tatay nito.
“'Yung tangkad niya, kasi walang laman. 'Yung mga kamay niya, kahit anong kain niya, hindi rin tumataba,” anang lola.
Tuluyan na siyang nabahala nang mapansing hindi normal ang porma ng dibdib ni Cindy, dahil mayroon itong umbok.
Nang ipakonsulta sa doktor, natuklasang bukod sa mayroong pneumonia si Cindy, meron din siyang kondisyon na “severe dextroscoliosis,” o malala ang pagkakurba ng spine o gulugod.
Dahil sa kaniyang kalagayan, naapektuhan, pati pag-aaral ni Cindy.
“Sinisi ko po 'yung sarili ko lalo, bakit po ako ganito? Dumating sa point na alam ko na po na, papayag na lang po ako na hindi na lang po ako mag-aaral, hihinto na lang po ako,” anang dalaga.
Nagsilbing pansamantalang takbuhan at libangan ni Cindy ang pagsasayaw para malimutan ang kaniyang suliranin kahit sandali. Kalaunan, natutuhan din niyang yakapin at hindi ikahiya ang kakaibang hitsura, ngunit may mga pangamba pa ring itinatago.
Samantala, nangako ang Municipal Social Welfare and Development Office ng Leyte, Leyte na tutulungan si Cindy na makabalik sa pag-aaral sa pamamagitan ng distance learning.
Magpapaabot din sila ng medikal at pinansiyal na assistance.
Tunghayan sa KMJS ang natuklasan naman ng mga doktor sa Quezon City matapos nilang suriin si Cindy. Ano nga ba ang kondisyong nagpapahirap sa kaniya at may lunas pa kaya ang kaniyang kondisyon? Panoorin ang video. – FRJ GMA News
