Maraming tao ang uminit ang ulo matapos biglang tumaas ang binabayaran nila sa kuryente at makakita ang mga extra charges sa kanilang billings. Anu-ano nga ba ang mga bayaring ito na sinisingil ng electric companies na walang kinalaman sa kuryente?
“Maraming kadahilanan ‘yan kung bakit tumataas 'yung bill. Pupwedeng sa konsumo mismo o pupwede din sa presyo ng bawat charges sa ating mga bill,” sabi ni Atty. Maria Corazon-Gines, Director ng Legal Service ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Unang Hirit nitong Martes.
Ang mga kaltas sa bill ng kuryente ang mga sumusunod:
Generation charge: Ang generation charge, na siya ring pinakamalaking halaga, ang ibinabayad sa generation companies sa pag-generate ng kuryente.
Transmission: Ito naman ang ibinabayad sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa pagdaloy ng kuryente sa high voltage lines, o mga tore na nakikita sa mga highway
System Loss: Ito naman ang “nawawalang” kuryente, na maaaring nagmula sa tinatawag na technical losses o sa pagdaloy mismo mula sa kable o kawad. Posibleng galing din ito sa mga ninanakaw na kuryente.
Paglilinaw naman ni Gines, mayroong cap sa system losses ng Meralco, na kasalukuyang 5.5%. Kung lumampas ito, hindi na ito ipapasa sa konsumer.
Distribution: Ito naman ang bayad sa pagbibigay ng Meralco ng kuryente, kasama na ang pagbi-bill at pangongolekta.
Senior citizen: Ito ang tulong o diskuwento sa mga senior citizen kung hindi lalampas sa 100 kWh ang konsumo ng mga consumer.
Government taxes: Ito ang value-added tax. Nakasaad sa batas na subject to VAT ang benta ng generation, transmission at distribution.
Universal charges: Ang universal charges naman ang tulong ng mga konsumer para sa pagpapa-ilaw sa mga nasa off-grid areas, na hindi nakakabit sa main grid.
FIT-All (Renewable) at GEA-All (Renewable): Ito ang Feed-in Tariff Allowance at Green Energy Auction Allowance, na tulong ng mga konsumer sa mga namumuhunan sa mga renewable energy sources para tumaas ang market penetration ng mga renewable energy at mas mabawasan din ang dependency sa mga coal-based at oil-based na generation plants.
Lifeline: Ito ang tulong ng mga konsumer sa mga 4Ps at mga marginalized, na ipinatutupad mula pa noong 2001.
Ipinaliwanag ni Gines kung bakit kinukuha sa mga kostumer ng Meralco ang mga programa ng gobyerno gaya ng lifeline subsidy para sa mga 4Ps at marginalized.
“Dati, bago ang EPIRA, ganoon ang sistema. Kasi ang nagbibigay sa atin ng kuryente noon, 'yung generation at 'yung transmission noon, ay 'yung NAPOCOR (NPC). Kaya lang ang nangyari po noon, dahil sinusubsidiya ng gobyerno, nagkaroon po ng malaking utang. Kaya po nagkaroon ng pagbabago ng polisiya ang gobyerno na 'yung mga kumokonsumo ng kuryente ay dapat ang bayarin 'yung tinatawag na true cost of electricity. “So, nasa EPIRA na po ‘yun,” sabi niya.
“Kaya lahat ng mga gastos, basta just and reasonable costs ng mga distribution utilities ay puwede nilang i-recover doon sa kanilang mga consumers,” dagdag niya.
Other charges: Ito ang mga adjustments o kaya bill deposit adjustment.
“Every year po kasi, kada taon ay ina-adjust po 'yung bill deposit natin. Depende po kung ano 'yung average monthly consumption ninyo doon sa previous year. So kung 'yung dating na-post ninyo na bill deposit ay less than 10%. ‘Pag nagkaroon po ng increase ng 10% yun, kailangan pong bayaran 'yung adjustment,” ani Gines.
Samantala, inilahad ni Gines na maaaring maramdaman ng mga kostumer ang ERC ng refund sa excess distribution sa mga konsumer na nagkakahalaga ng P14.17 billion sa Mayo.—FRJ GMA News
