Naiuwi na sa Kolambogan, Lanao del Norte ang mga labi ng isang Pilipina na kabilang sa mga nasawi sa nangyaring missile attack sa Haifa, Israel noong Abril 5, 2026.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nasawi si Lucille Jean Olasiman Gersovich, sa kainitan ng sigalot ng Amerika at Israel, laban sa Iran sa Gitnang Silangan.
Labis na nagdadalamhati ang kaniyang mga magulang nang malaman nila mula sa Embahada ng Pilipinas sa Israel ang malungkot na balita tungkol sa nangyari sa kanilang anak.
Ayon kay Lucita Olasiman, marami ang nagpapayo sa kaniya na tanggapin na ang nangyari sa kaniyang anak pero hindi umano niya matanggap na wala na ang kaniyang anak.
Masakit umano sa kaniyang kalooban na nawalan siya ng anak, at maraming inosente ang nadamay dahil sa giyera ng Amerika at Israel laban sa Iran.
Nilinaw ng pamilya ni Lucille na hindi siya isang nurse. Lumipat umano ang kanilang anak sa Israel anim na buwan na ang nakakalipas matapos pakasalan ang kaniyang asawa, isang Israeli na nakilala niya sa Cebu.
Nasawi rin sa nangyaring pag-atake ang asawa at mga biyenan ni Lucille.
Napag-alaman din na ang bahay ng mga biyenan ni Lucille ang tinamaan ng missile, at nandoon ang mag-asawa. Kalalabas din lang ng ospital ang biyenan niyang lalaki nang mangyari ang trahediya.
Dadalhin sa kaniyang huling hantungan si Lucille sa Linggo, April 26, 2026.
Ilang kinatawan naman na mula sa embahada ng Israel ang nagtungo sa burol ni Lucille para makiramay sa naulilang pamilya, at magkaloob ng tulong. – FRJ GMA News

