Isang lalaki na nagpaputok umano ng baril at may tinamaang pulis ang patay matapos makaengkuwentro ang mga awtoridad sa ikinasang follow-up operation nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Bam Alegre Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinagawa ang police operation sa Barangay 62, na humantong sa madugong engkuwentro.
Dead on arrival sa ospital ang lalaki matapos tamaan ng bala sa kanang dibdib.
“Dinala natin ito sa ospital kaya lang po dead on arrival na po siya. Noong 2023 involved na ito sa shooting incident kaya lang po naayos po niya ‘yun. Tapos holdapan dito sa area ng Cavite at kalalabas lang po niya sa kulungan ngayon, 3 months ago,” sabi ni Police Colonel Joselito De Sesto, hepe ng Pasay City Police.
Martes nang i-report sa pulisya ang pagpapaputok ng baril o indiscriminate firing ng lalaki sa Barangay 61.
Nang sitahin, namaril ulit umano ang lalaki kaya tinamaan sa kaliwang balikat ang isang pulis.
Dinala sa Pasay City General Hospital ang pulis, na nasa maayos nang kalagayan.
Nakatakas ang lalaki matapos ang insidente ngunit nahanap din kalaunan ng pulisya, hanggang sa mangyari na ang engkuwentro.
Ayon sa Pasay police, dumepensa lang sila kaya nabaril ang lalaki.
“Ayon sa aming pag-iimbestiga, lasing po siya at nakantiyawan po ng kaniyang mga kaibigan at nagpaputok po doon sa barangay. Aming ite-check para makita po kung lisensyado ‘yung kanyang baril,” sabi ni De Sesto.
Tukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki at naabisuhan na rin ang kaniyang mga kaanak.—Jamil Santos/AOL GMA News
