Pinusuan at kinagiliwan ng netizens ang muling pag-indak ng persons deprived of liberty (PDL) ng Balamban Municipal Jail sa Cebu.
Sa video ng Balamban Municipal Jail, na iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang 25 inmates na todo-bigay sa pagsayaw.
Kasama sila sa mga dumaan sa assessment ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para sa electrical installation and maintenance training.
Samantala, 15 naman ang nagsanay sa dressmaking.
Sinabi ng kanilang CRS officers na ito ang kanilang paraan upang ipaalam sa publiko na mayroong programa sa BJMP upang mapalawak ang kasanayan ng mga PDL at makatulong sa pagbabalik nila sa komunidad.
May 10 milyong online views na ang kanilang groovy dance moves. —Jamil Santos/AOL GMA News
