Isang patay na bagong silang na sanggol na lalaki ang nakitang palutang-lutang sa Estero de San Lazaro sa Binondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing natagpuan ng ilang naglilinis ng ilog ang bangkay ng sanggol nitong Martes ng umaga.

“Buo na po kasi may tenga, may kamay, may paa, may ulo. Bago pa lang siya noong kinuha po naming. Hindi naman gano'n lobo, sariwa pa po ‘yung dugo,” sabi ni Eleuterio Fernandez, estero ranger.

Sinabi ng Barangay 295 na wala pang linaw kung sino ang nagtapon sa sanggol.

Sinuri na rin nila ang mga CCTV camera ngunit walang nakita na nagtapon sa estero. Kaya posible umanong inanod lang ang bangkay mula sa ibang barangay papunta sa kanila.

“Baka sa Recto kasi papunta rito ang agos ng tubig.

Pinaniniwalaang itinapon ang sanggol sa estero sa Recto Avenue sa Barangay 294, bago ito inanod patungo sa kabilang barangay. Ngunit sinabi ng ilang residente na wala silang ideya sa nangyari.

Sinubukan namang suriin ang CCTV ng Barangay 294 pero wala rin nakitang nagtapon sa lugar.

“Kasi po, mayroon po kaming floater ng basura. So kung mayroon man pong magtapon ng fetus o ano, mahaharang naman po siya, makikita po talaga ng aming mga barangay officials. Twenty four hours naman kaming may CCTV rito so anything na makatulong po sa pag-solve ng case po ay open po ang Barangay 294,” ayon kay Chairman Winsen Yu ng Barangay 294.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng Manila Police District.

Hinihikayat din ng mga awtoridad ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila ang impormasyon tungkol sa nagtapon sa sanggol at kung sino ang mga magulang nito na posibleng maharap sa kaukulang reklamo. – Jamil Santos/FRJ GMA News