Nawalan ng tirahan ang mahigit 20 pamilya matapos sumiklab ang sunog bandang hatinggabi sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, sinabing sumiklab ang sunog sa Barangay San Juan sa looban, sa hilera ng mga bahay malapit sa ilog.
Itinaas ang unang alarma kaya rumesponde ang hindi bababa sa apat na fire truck. Tumulong din ang maraming fire volunteers para apulahin ang apoy.
Panandaliang isinara ang kalsada matapos magngalit ang apoy.
Mahigit 20 bahay ang apektado ng sunog habang 21 pamilya ang wala halos nailigtas na gamit, batay sa inisyal na estima ng Bureau of Fire Protection.
Tinatayang nasa P183,000 ang halaga ng pinsala.
Walang naitalang nasawi o sugatan sa pagsiklab ng apoy, na tuluyang naapula bago mag-2 a.m.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng BFP sa sanhi ng apoy.
“Masikip ‘yung daan papasok doon. So, ang nangyari doon sa mga kasama natin is pumasok na doon direkta sa baba. Residential area ito ng shanty houses. So sa gilid ito sir ng ilog,” sabi ni SFO2 Rheum Saluib, investigator ng BFP Taytay. — Jamil Santos/RSJ GMA News
