Hindi na magiging problema ang pagpili ng ice cream ngayong tag-init dahil ang negosyo ng isang mag-asawa na isang mini-ice cream cart na puwedeng matikman ang lahat ng flavor. Maliit man, paldo naman ang kita na aabot umano sa P50,000 kada buwan.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang mini ice cream booth nina Paul Michael at Analyn Arroza. Bukod sa kanilang maliit na ice cream cone, dagdag paandar din ang mala-palette na lalagyan nito.

“Usually, ‘di ba 'pag bumibili ka ng ice cream, malaki, isang flavor lang. Ito kasi puwedeng five.Ang naging konsepto ng business is maging madaling hawakan, Instagrammable. Cute lang siya, I mean, cute talaga siya tingnan. Since market talaga origin is bata,” sabi ni Paul.

Wala pang isang taon mula nang umpisahan ng mag-asawa ang kanilang negosyo sa puhunan na P20,000.

Isinisilbi nila ang kanilang negosyo sa mga event gaya ng mga binyagan, kasal, at corporate events.

“Kada buwan, ang kinikita namin is parang P50,000. Labas na ‘yung sahod ng tao, mga supply namin,” ani Paul.

Naka-depende sa dami ng guest ang package na alok nina Paul, na mula P6,500 para sa 50 katao, hanggang P15,000 ang renta para naman sa 200 na guest.

Sa likod nito, minsan na ring nalugi sina Paul at Analyn sa kanilang negosyo na live selling.

“Na-notice namin noong 2025 until now talaga naglie low, as in humina siya. Sabi namin ‘Anong next na gagawin namin’” kuwento ni Paul.

Ngunit ang mag-asawa, hindi sumuko sa paghahanap ng bagong pagkakakitaan hanggang sa makita nila sa social media ang isang mini ice cream business abroad, na ginawan nila ng sariling atake.

Ang mismong birthday party ng kanilang unica hija ang naging “trial stakes” ng kanilang negosyo.

“Actually na-plan na siya na i-start na namin ‘yung business. Pero talaga ni-launch siya during the birthday para tingnan namin kung ano magiging feedback ng mga bisita that time. Two weeks after the event, ‘yun na may nag-book na,” kuwento ni Paul.

Mula sa isang second hand na freezer, nakapagpundar na ang mag-asawa ng lima pang freezer at ice cream stalls.

“Ngayon may nabili pa kaming bahay. Parang ‘di pa naman siya fully paid pero ‘yun ‘yung paumpisa eh, ‘yung nabili naming bahay na itu-turn over na,” sabi ni Paul.

“Grateful kami kasi may tatangkilik pala ng ganitong business. Gusto pa rin namin magpursige para ma-expand pa ‘yung business namin. Kami ‘yung gusto lang namin gawin is makapag-ipon para sa future din ng anak namin,” sabi pa niya. – FRJ GMA News