Bukod sa gandang lalaki, kailangan mahusay manligaw ang isang lalaki para mapaibig ang kaniyang nagugustuhan. Paano kaya dumiskarte sa panliligaw ang isang Miguel Tanfelix? Alamin.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa “Your Honor,” ibinahagi ni Miguel na karaniwan sa mga magagaling manligaw ay ang mga lalaking “madulas” magsalita at madiskarte.
Pero si Miguel, sinabing idinadaan niya ang panliligaw sa kaniyang pagiging tapat sa nararamdaman.
“Iyon na nga, hindi ako madulas magsalita. Pero, honest sa nararamdaman ko. So ako alam ko 'yung definition na magaling manligaw. May mga kakilala tayong ganiyan. Ang ganda ng mga diskarte, may mga game plan,” sabi niya.
“Ako, parang wala. So kung ano 'yung very natural na ako, ano 'yung nararamdaman ko, ‘yun 'yung sinasabi ko. So, hindi ko masabing magaling, pero straight to the point,” dagdag pa niya.
Ayon kay Miguel, may isang babae na inabot siya ng isang taon sa kaniyang panliligaw.
“One year. Hindi lang din kami talaga nagmamadali. At that point, parang wala naman din 'yung rush na sagutin ako agad. So, in-enjoy muna namin ‘yung… alam mo ‘yun, hindi muna kami official. Pero, hindi ibig sabihin nu’n na nag-date na kami ng iba. Exclusively dating,” sabi pa niya.
May rason daw kung bakit sila naghintay ng isang taon bago maging opisyal na magkasintahan.
“Tapos, ang maganda du’n, kaya rin siguro kami nag-one year. Kasi, hinintay muna namin 'yung kung kailan ako nag-start para same date,” kuwento pa ng aktor.
Samantala, gaya ng ibang lalaki, nakaranas na rin daw si Miguel na ma-basted.
“Siguro, 'yung basted, kunwari kakausapin ko, tapos parang hindi talaga kami swak ng babae. So, hindi na lang itutuloy,” saad niya.
Pag-alala niya, nasa high school noon si Miguel nang magkagusto sa babaeng mas matanda sa kaniya.
“Bata pa kasi ako nito, first year high school… Nagkagusto ako sa third year high school,” pag-amin niya.
Nasa “awkward” stage pa umano si Miguel at wala pang masyadong show.
“Nagkagusto ko sa kaniya. Eh, nu’ng first year high school ako, sobrang totoy ko. ‘Yun, na-basted ako. Nagbibigay ako ng mga stuff toy no’n,” pagbahagi pa ni Miguel.
Kalaunan, nakita na lamang ni Miguel ang nililigawan na nahulog ang loob sa iba.
“Nakita ko na lang siya parang may dine-date na siya third year din,” sabi niya.
Pero ayon kay Miguel, na in a relationship ngayon kay Ysabel Ortega, “Naging friends naman kami nu’n pagkatapos.”
Abangan ang pagsabak si Miguel sa kaniyang unang solo hosting stint para sa upcoming travel show na “Planet XP,” na mapanonood mula Mayo 2, tuwing Sabado, 6:30 p.m. sa GMA. – FRJ GMA News
