Naihatid na ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules ng gabi sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng matinding tensiyon na naganap sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras,” dumating ang Articles of Impeachment sakay ng convoy mula sa Kamara, at tinanggap ng Senado sa kabila ng tensiyon doon bunga ng mga espekulasyon na isisilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Bato Dela Rosa, na nasa kustodiya ng Senado.
Ilang saglit matapos dumating ang Articles of Impeachment, naganap na ang putukan ng baril sa Senado.
Lunes nang pagbotohan ng mga kongresista sa plenaryo ng Kamara ang pag-impeach kay Duterte sa ikalawang sunod na taon. Sa naturang botohan, 257 na kongresista ang bumoto pabor sa impeachment, 25 ang tumutol, at siyam ang hindi bumoto.
Sa paghatid ng Kamara sa Articles of Impeachment, inaasahan na bubuuin ng Senado ang impeachment court at lilitisin si Duterte upang alamin kung may basehan ang mga ibinibintang laban sa kaniya ng mga kongresista.
Noong nakaraang taon, hindi natuloy ang paglilitis ng Senado kay Duterte matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang ipinasang Articles of Impeachment ng mga kongresista.
Kasabay ng pag-apruba ng Kamara sa Articles of Impeachment noong Lunes, nagkaroon naman ng pagpapalit sa liderato ng Senado matapos mapatalsik si Senador Tito Sotto bilang Senate President, at ipinalit si Sen. Alan Peter Cayetano, na kaalyado ni Duterte.
Nitong Martes, tiniyak ni Cayetano na kikilos ang Senado ng "forthwith" o agad-agad sa sandaling matanggap nila ang Articles of Impeachment.
Tiniyak naman ng kampo ni Duterte na handa ang kanilang legal team na idepensa si Duterte sa gagawing paglilitis ng Senado bilang impeachment court. — FRJ GMA News
