Inihayag ni Senador Vicente “Tito” Sotto ang matindi niyang pagkadismaya sa Philippine National Police (PNP) at iba pang security personnel na bigo umanong kontrolin ang mga taong nagpoprotesta sa labas ng gusali ng Senado nitong Miyerkules.
Ayon kay Sotto, naransan niya mismo na kinalampag at binato ng mga nagpoprotesta ang kaniyang sasakyan na siya mismo ang nagmamaneho,
“I am furious and disappointed with the PNP and other security personnel assigned outside the Senate for failing to control the rowdy and unruly crowd, allowing them to assault me while inside my vehicle when I was about to exit the Senate,” saad ng senador sa pahayag na naka-post sa kaniyang Facebook account.
“The barbaric protesters banged my vehicle repeatedly, threw bottles and cursed foul remarks. They can see that I am driving alone with no bodyguards,” ayon kay Sotto.
Tumaas ang tensiyon sa Senado nitong Miyerkoles nang hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na hinihiling ni Dela Rosa, para pigilan ang pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kaniya na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ang naturang warrant ay dahil umano sa pagkakasangkot niya sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasalukuyang nasa ilalim ng protective custody ng Senado si Dela Rosa.
Ipinahayag din ni Sotto ang kaniyang pagkadismaya sa mga tagasuporta ng ilang senador na nagpoprotesta.
“Ilang truck na PNP ang nakadeploy sa Senate, tapos ganito? Ganito na ba kawalang respeto at walanghiya ang mga taga suporta ng ilang Senador na nag rarally ngayong gabi?” ani Sotto.
Kalaunan, nadinig ang ilang putok ng baril sa ikalawang palapag ng Senado. Sinabi ng mga awtoridad na walang nasaktan at iniimbestigahan pa nila kung sino ang nagpaputok.
Nagpatupad naman ang PNP ng full alert status dahil sa tensiyon sa paligid ng Senado.
Samantala, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na ang mga sundalong nakita sa loob ng gusali ng Senado ay mga tauhan ng Marine Security & Escort Group (MSEG). – FRJ GMA News

