Dinakip ang isang volunteer umano ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos sumiklab ang gulo sa Senado nitong Miyerkoles ng gabi.
Ang nagpakilalang asawa nito, dumating kasama ang kanilang abogado.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, pasado 12:30 a.m. nang dumating ang nagpakilalang asawa sa Senado kasama ang abogado.
Nalaman daw nila na nahuli ang 44-anyos na umano'y NBI volunteer mula sa kaniyang katrabaho.
"Tinawagan po ako ng kasama niya pong volunteer din po na ayun nga po, naaresto daw po siya," sabi ng nagpakilalang asawa.
Batay sa social media post ni Senador Imee Marcos bago mag-11 p.m., inilahad niyang may balita nang may nahuling taga-NBI na isa umanong confidential agent.
Ayon sa kaniya, binalikan ang tactical bag na naiwan sa lugar kung saan may narinig na mga putok ng baril at pinangalanan ang amo nito mula sa NBI transnational crime division.
"Kung sino man siya, siya daw 'yung nag-order sa kanila na lusubin 'yung Senado at dakipin si Senator Bato, anuman ang mangyari, sinuman ang masaktan," sabi ni Marcos.
Sa panayam ng GMA News kay NBI Director Melvin Matibag nitong Miyerkoles ng gabi, itinanggi niyang may naka-deploy na taga-NBI sa Senado.
"Wala naman po kami dineploy doon at wala namang utos na may aarestuhin po si Senator Bato. Kausap ko lang po si Sec. Vida (Justice Secretary Fredderick Vida) at sinasabi niya nga sa akin, maghintay tayo ng instruction ha, wala tayong gagawin. Wala nga pong taga-NBI doon eh. So wala po magpaputok ng baril na taga-NBI po," sabi ni Matibag.
Base sa impormasyong ibinahagi ng asawa at abogado, mahigit limang taon na umanong nagtatrabaho bilang volunteer sa NBI ang hinuli.
Nang tanungin kung ano ang trabaho ng isang volunteer, sabi ng nagpakilalang asawa, "Any kind po. Lahat po. Driver po. Basta kung ano pong pinapagawa sa kaniya."
"Siya po isang volunteer po sa NBI. Hindi po siya agent, volunteer lang po siya doon. Parang rank and file lang po siya doon. Hindi siya empleyado talaga," sabi ni Atty. Paolo Nieto, abogado ng umano'y NBI volunteer.
Nakipag-usap ang nagpakilalang asawa at ang abogado sa mga security guard.
Makaraan ang mahigit 20 minuto, bigong silang makapasok kaya umalis muna sila.
"Ang feedback po namin mula sa security guard is they already coordinated with the sergeant-at-arms daw. At wala daw info whether or not may naka-detain sa custody ng Senate. So they cannot confirm at this point or they did not deny if may naka-detain. Unfortunately, they denied us entrance and we cannot force our way of course within the Senate premises," sabi ni Nieto.
Muling makikipag-ugnayan sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms at pulisya ang nagpakilalang asawa at ang legal counsel.
Sinubukang ng GMA News na kunin ang panig ng NCRPO, Southern Police District at Pasay City Police pero wala pa silang tugon. — Jamil Santos/ VDV GMA News
