Natumba ang isang motorcycle rider matapos buntutan at itulak ng isang pulis ang kaniyang motorsiklo sa C5 Road sa Pasig City. Ang lisensiya sa pagmamaneho, sinuspinde ng Land Transportation Office.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa kuha ng 360 degree camera ang nakamotorsiklong pulis na marahang lumalapit sa likuran ng isa pang rider.
Pagkadikit ng pulis, doon na niya tinulak ang motor kaya natumba ang rider. Ngunit ang pulis, hindi huminto umano.
Nagpa-blottter ang biktima sa Highway Patrol Group matapos ang viral na insidente sa
Batay sa imbestigasyon na maganap ang insidente, hindi muna nagkaunawaan ang biktima at ang pulis dahil umano sa alanganing pag-overtake ng pulis.
Hanggang sa habulin ng complainant ang pulis, na humantong sa pagtulak nito sa kaniyang motor.
“Based po sa salaysay ng complainant at talaga naman ding puro init ng ulo rin po at hindi pagkakaunawaan ang sanhi kung bakit nagkaroon ng gano’ng uri ng scenario,” sabi ni Police Lieutenant Nadame Malang, spokesperson ng PNP - HPG.
Sumuko sa Quezon City Police District ang pulis na sangkot sa insidente, na dinisarmahan.
“Siya rin po ay mahaharap sa kaso, na una po ‘yung reckless imprudence resulting to injury,” sabi ni Malang.
Posible ring masampahan ng reklamong administratibo ang pulis matapos makita sa video na putol ang plaka na nakakabit sa kaniyang motorsiklo.
Pinatawan na ng Land Transportation Office ng 90 araw na preventive suspension ang lisensiya ng pulis, at pinahaharap din sa LTO para maimbestigahan.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na naglabas ito ng show cause order (SCO) laban sa pulis, na isang staff sergeant na nakatalaga sa Mobile Force Battalion ng Quezon City Police District (QCPDI). – Jamil Santos/FRJ GMA News
