Isang buntis, isang dalagita at isang batang babae ang nasawi matapos sumiklab ang isang sunog sa Barangay Tangos South sa Navotas nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo DZBB sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing tatlong iba pa ang sugatan sa nangyaring sunog.

Batay sa mga residente, nagsimula ang sunog dahil sa jumper ng kuryente, hanggang sa magputukan at lumiyab ang mga kable ng kuryente sa poste at gumapang ang apoy sa mga bahay.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na 10 bahay ang natupok at 20 pamilya ang apektado. – Jamil Santos/FRJ GMA News