Isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) ang inaresto matapos ang viral na insidente ng pagtulak sa isang sibilyang rider sa C5 Road sa Pasig City na dahilan para matumba ito at hindi hinintuan ng pulis.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang naturang pulis ay isang police staff sergeant na hindi muna pinangalanan, at nakatalaga sa QCPD District Mobile Force Battalion.

Isinailalim na umano sa kustodiya ng awtoridad ang nasabing pulis at nahaharap sa imbestigasyong kriminal at administratibo.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente dakong 7:00 am na isang motorsiklo ang bumangga umano sa isang civilian rider sa C5 Road.

Sinabi ng NCRPO, sinasadya umano ng pulis na mapaalis sa kalsada ang rider na nagdulot ng mga sugat at pinsala sa motorsiklo ng biktima. Tumakas ang pulis.

“The PNP does not have favorites when it comes to accountability,” sabi ni NCRPO chief Anthony Aberin. “Whether the suspect is a civilian or a member of our own organization, the law applies equally. Misconduct will not be tolerated; it will be confronted.”

Ayon sa QCPD, maghahain sila ng administrative at criminal complaint laban sa pulis kung mapapatunayang may sapat na ebidensya sa kaniyang ginawa.

Iniutos naman ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang isang “buo at patas na imbestigasyon” sa insidente.

“Any personnel found to have violated laws, rules, or regulations shall be held fully accountable and subjected to appropriate administrative and criminal proceedings,” sabi ni Nartatez.— Joviland Rita/FRJ GMA News