Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na walang sundalong sangkot sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay AFP chief General Romeo Brawner Jr., ang mga sundalong Marines na nakita sa mga video sa loob ng Senado ay nakatalaga doon bilang bahagi ng kanilang regular na tungkulin sa pagbibigay ng seguridad sa institusyon.

“Nakausap namin yung commander. Hindi sila nagpaputok because they were there to support,” sabi ni Brawner sa mga mamamahayag.

Ipinaliwanag din ng opisyal na nakatalaga ang mga miyembro ng Marine Security and Escort Group (MSEG) sa lugar upang tiyakin ang seguridad ng mga pasilidad ng gobyerno tulad ng Senado, Kamara de Representantes, Department of Foreign Affairs, at iba pang tanggapan.

“Trabaho nila ‘yun to secure the facility. Hindi yung security ng isang individual senator. They're there to secure the facility,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na walang pinaputok na baril ang mga tauhan ng militar na naka-deploy sa Senado.

Samantala, sinabi ni Brawner na papunta siya noon sa isang pulong kasama ang mga opisyal matapos ang insidente sa Senado.

Isang driver na empleyado umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto matapos marinig ang ilang putok ng baril sa loob ng Senado sa Pasay City noong Miyerkules ng gabi, ayon sa pulisya nitong Huwebes.

Nauna nang sinabi ni NBI director Melvin Matibag na walang mga ahente ng NBI na naka-deploy sa Senado noong mangyari ang insidente.

Ayon sa pulisya, iniulat ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado na gumanti lamang ng putok ang kanilang mga tauhan matapos ang pamamaril ng armadong tao na pumasok sa Senado.

Nangyari ang insidente kasabay ng posibilidad ng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos maglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant laban sa kanya kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni Duterte. — Joviland Rita/FRJ GMA News