Nakaranas ang ilang lugar sa Mindanao ng baha at landslide dulot ng malalakas na pag-ulan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang video ng pagtutulungan ng ilang residente para makatawid ang isang motorcycle rider sa kalsadang natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Tignapoloan sa Cagayan de Oro City.
Wala namang napulat na nawasak na bahay at nasaktan sa landslide.
Sa Bagumbayan naman sa Barangay Busok, Sultan Kudarat, nagmistulang dagat ang mga palayan at taniman ng palmera.
Binaha ang kalsada kaya pahirapan ang mga residente sa pagdaan, at pinasok din ng tubig ang ilang bahay. Wala namang inilikas.
Sa Santo Niño, South Cotabato, wasak ang ilang bahagi ng dike sa Barangay M. Roxas dulot ng pagragasa ng Allah River dahil sa malakas na ulan nitong mga nakaraang araw.
Sinabi ng DPWH Region 12 na aabot sa 20 metro ng nasabing flood control project ang napinsala.
Ininspeksiyon na ang nawasak na dike upang masimulan ang pagkukumpuni.
Una rito, nag-abiso ang PAGASA, na magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong Biyernes ang .Ang trough o buntot ng Tropical Storm Domeng at ang southwesterly windflow.
Pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo na may international name na Jangmi kaninang hatinggabi – Jamil Santos/FRJ GMA News
