Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P15.1 bilyong pondo bilang emergency assistance para sa humigit-kumulang 608,343 miyembro at pensiyonado na maaaring naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao kamakailan.

Ayon sa GSIS, ang mga kuwalipikadong miyembro at pensiyonado na walang natitirang utang ay maaaring mag-aplay upang makahiram ng P20,000 na may 6% interes at babayaran sa loob ng tatlong taon.

Direktang ipapasok ang halaga ng hiniram sa ATM card ng umutang na miyembro o pensiyonado.

Samantala, ang mga mayroong kasalukuyang emergency loan ay maaaring umutang ng hanggang P40,000 upang mabayaran ang kanilang dating loan balance, at mag-iiwan sa kanila ng netong halaga na hanggang P20,000.

Kabilang sa mga maaaring makinabang sa programa ang mga aktibong miyembro at mga pensiyonado dahil sa katandaan o kapansanan, na naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na opisyal na idineklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng lindol.

Maaaring magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application, at tatanggapin ang mga aplikasyon hanggang Setyembre 7, 2026.

“Our thoughts are with our fellow Filipinos in Mindanao affected by this powerful earthquake,” ayon kay GSIS president and general manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso sa emailed statement.

“The GSIS is ready to provide accessible financial relief to help our members, pensioners, and partner government agencies recover and rebuild,” dagdag pa niya.

Nangyari ang lindol nitong Lunes, na kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ay General Santos City at Sarangani. — FRJ GMA News