Ibinasura ng Korte Suprema (SC) nitong Miyerkules ang petisyong inihain ng isang guro na humihiling na ideklarang legal at may bisa ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026, na idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa pamunuan ng Senado, at itinalaga si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore, at acting Senate President.
Ayon sa SC, walang sapat na legal na batayan o legal standing ang petisyong inihain ng high school teacher na si John Barry Tayam.
"The SC ruled that Tayam failed to show that he suffered, or was at imminent risk of suffering, any direct injury from the actions he challenged," ayon sa inilabas na pahayag ng SC.
Sa kaniyang 20-pahinang petisyon para sa certiorari, hiniling ni Tayam sa SC na:
- Ideklara na ang physical presence at pagtitipon ng 12 senador sa sesyon ng ika-20 Kongreso noong Hunyo 3, 2026, ay legally valid, may bisa, at naaayon sa Konstitusyon ang quorum ng 12 dumalong senador;
- Kumpirmahin ang full legality at constitutional validity ang lahat ng ginawang hakbang na pang-lehislatura, pati ang pagdeklarang bakante sa mga posisyon, ang paghalal ng bagong liderato, at reorganisasyon ng mga komite na isinagawa sa naturang sesyon.
Idineklara ang pagkakaroon ng quorum sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3 matapos dumalo si Senador Francis Escudero, na nagdala sa bilang ng mga present na senador sa 12.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian, batay sa kasong Avelino v. Cuenco, kinilala ng SC na ganap na mayorya ang 12 sa 22 miyembro ng kapulungan at itinuring may quorum.
Ibinase ni Gatchalian ang bilang na 22 sa halip na 24 senador dahil dalawa sa mga senador ang hindi makadadalo sa sesyon: sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nagtatago dahil sa arrest warrant na inilabas laban sa kaniya ng International Criminal Court, at si Sen. Jinggoy Estrada na nakadetine habang dinidinig sa Sandiganbayan ang kinakaharap niyang kaso tungkol sa katiwalian at pandarambong kaugnay ng flood control project scandal.
Dati nang itinanggi ni Estrada ang mga paratang laban sa kaniya.
Samantala, iginiit naman ni Senador Alan Cayetano na siya pa rin ang lehitimo at legal na Senate President.
Humingi ng pahayag ang GMA News Online sa mga senador kaugnay ng usapin. —Llanesca Panti/FRJ GMA News
