Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang lalaking driver na nakunang nangharang at nangalampag ng isang truck sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Sa Facebook page ng LTO, sinabi ng ahensiya na nagpalabas na ito ng show cause order (SCO) laban sa driver ng isang kotse na nadawit sa road rage incident na nag-viral sa social media.

Mapanonood sa viral video ang komprontasyon umano sa pagitan ng driver ng kotse at ng driver ng isang truck sa kahabaan ng Vergara Highway.

Ilang beses umanong pinalo ng driver ng kotse ang truck at nagpakita pa ng agresibong pag-uugali sa insidente.

Batay pa sa ulat, nasa impluwensiya ng alak ang driver, na isa umanong estudyante, pati na rin mga kasama nito, nang maganap ang insidente.

Samantala, lumitaw sa social media ang isa pang viral video na napanood ang parehong indibiduwal na sangkot umano sa isang hiwalay na insidente sa Gapan City, Nueva Ecija.

Nahuli naman ang indibiduwal na nag-counterflow at nasangkot kalaunan sa pisikal na pananakit sa isa pang motorista.

Inutusan na ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang sangkot na rehistradong may-ari at ang driver na humarap sa tanggapan nito para magpaliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag, kabilang ang Reckless Driving, Driving While Under the Influence of Alcohol, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang isa pang viral video na kinasangkutan ng indibiduwal para malaman kung may mga haharapin siyang karagdagang paglabag.

Isinailalim naman ng LTO sa 90-day preventive suspension ang kaniyang driver’s license, habang inilagay naman sa alarm status ang sasakyan. Inatasan din ang driver na agad isuko ang kaniyang driver’s license. —Jamil Santos/AOL GMA News