Inihayag ng isang auditor ng Commission on Audit (COA) na tumestigo bilang saksi ng prosekusyon sa impeachment trial nitong Lunes na si Vice President Sara Duterte lamang ang naging bise presidente at kalihim ng Department of Education (DepEd) na nagkaroon ng confidential funds sa nakalipas na tatlong administrasyon.

Ayon kay Auditor Roderick Wamil, na nagsilbi sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng COA mula Setyembre 2014 hanggang Pebrero 2024, noong panahon lamang ni Duterte siya nagsagawa ng audit sa confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ang ICFAO ng COA na may tungkuling magsiyasat sa paggamit ng confidential at intelligence funds sa mga ahensya ng gobyerno.

"Tanging si Vice President Sara Duterte lang po ang aking na-audit na may confidential funds," saad ni Wamil sa impeachment trial.

Ipinaliwanag ni Wamil na sa panahon ng kaniyang panunungkulan sa ICFAO mula 2014 hanggang 2024, walang inilaan na confidential funds para kina dating Vice President Jejomar Binay, na nanungkulan mula 2010 hanggang 2016, at dating Vice President Leni Robredo, na nagsilbi mula 2016 hanggang 2022.

"Since nag-assume po ako noong 2014 sa ICFAO, wala pong naging appropriation for confidential fund si dating Vice President Binay at si dating Vice President Robredo," ani Wamil. "Tanging si Vice President Sara Duterte lang po ang nagkaroon ng appropriation for confidential funds."

Inihayag din ni Wamil na si Duterte lamang ang naging kalihim ng DepEd na nagkaroon din ng confidential funds ang kagawaran habang nasa ICFAO siya.

Ayon kay Wamil, sinuri niya ang paggamit ng confidential funds ng DepEd na saklaw ang cash advances na nagkakahalaga ng P112.5 milyon na mula una hanggang ikatlong quarter ng 2023, o P37.5 milyon sa bawat quarter.

Samantala, para sa Office of the Vice President, sinabi niya na umabot sa P125 milyon sa bawat quarter ang confidential funds mula ikaapat na quarter ng 2022, hanggang sa ikatlong quarter ng 2023, na may kabuuang halaga na P500 milyon.

Nang hingan ng komento, sinabi ng lead defense counsel ni Duterte na si Atty. Michael Poa, na ang testimonya ni Wamil ay nakabatay lamang sa kaniyang karanasan habang nakatalaga sa COA-ICFAO.

"Ang sinagot lang naman ng witness ay saklaw lang ng kanyang panahon sa COA-ICFAO," ani Poa.

Una rito, pinabulaanan ng kampo ni Duterte ang mga pahayag na gumastos ang Office of the Vice President ng P125 milyon na confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News