Pumanaw sa edad na 44-anyos ang Korean actor na si Lee Yong Joo.
Ayon sa The Chosun Daily, namatay ang South Korean actor dahil sa atake sa puso noong Sabado, Agosto 29.
Isang malapit na kaibigan ni Lee Yong Joo ang nagkumpirma ng malungkot na balita sa social media at sinabing biglaan ang pangyayari at mahirap paniwalaan.
Isinagawa ang seremonya ng pagluluksa sa Bundang Jesaeng Hospital Funeral Hall sa Seongnam, Gyeonggi Province.
Ihahatid naman siya sa huling hantungan sa Agosto 31 sa Seongnam City Funeral Cultural Complex.
Kilala si Lee Yong Joo sa sitcom na Blue Towers, kung saan ginampanan niya ang karakter na si Newbie Yoo Jung, isang bagong recruit na madalas makagawa ng kapalpakan.
Ilan pa sa kaniyang naging projects ang "Uncontrollably Fond," "Hello, Francesca," at "Two Women's Room." —Nika Roque/FRJ GMA News

