Ipinagdiwang noong nakaraang Agosto 20 ang kaarawan ng namayapang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. Silipin ang koleksyon at kung papaano iniingatan ang mga ginawa niyang pelikula sa FPJ Studios. Alamin din kung totoo nga bang may hindi siya natapos na pelikula.
Sa espesyal na edisyon ng “Kay Susan Tayo! Vlogs,” binisita ng host na si Susan Enriquez ang FPJ Studios sa Quezon City sa ika-80 taon sanang kaarawan ng aktor.
Nagsisilbi itong museum ng mga kagamitan at memorabilia ni FPJ, at nandito rin ang opisina ng FPJ Productions na nagsasagawa ng restoration ng mga alaala ng “Da King.”
Ang pamangkin ni FPJ at Presidente ng FPJ Productions, Inc. na si Jeffrey Sonora, ibinahaging may hindi natapos na pelikula si FPJ na pinamagatang “Juan dela Cruz.”
Ang dahilan, pumanaw ang direktor nito at hindi na ipinagpatuloy ang paggawa.
“Hindi natapos ‘yan. So, ‘yan 'yung mga natirang footages ng pelikula,” sabi ni Jeffrey, na idinagdag na hindi biro ang pag-iingat sa napakaraming pelikula ng kaniyang tiyuhin.
“Sobra. Sobrang delicate. Kasi one of a kind ‘yung materials. So, for example, itong mga film, ‘pag nagkulang siya ng isa, hindi na kumpleto 'yung pelikula. So, lahat ‘yun, kailangan i-inspect. So, dumadaan 'yan, every year, lahat 'yan, dapat dumaan sa machine para lang ma-check,” paliwanag niya.
Pagbabahagi pa ni Jeffrey, ang mga film na nasa museum ang mga naisalba sa dami ng pelikulang nagawa ni FPJ.
“‘Yung iba, because of the chemical composition niya, nag-deteriorate. Nagdikit-dikit. Pero 'yung iba, meron kami tape. ‘Yung iba, ibang sources, iba-ibang materials,” patuloy niya.
Pumanaw si FPJ noong Disyembre 22, 2004, sa edad na 65 dahil sa karamdaman.
Alamin kung bakit hindi gumanap si FPJ bilang mayaman sa kaniyang mga pelikula, at balikan ang pagkarami-raming memorabilia na ginamit sa pagbuo ng kaniyang mga pelikula. Gaya ng mga camera, kaniyang motorsiklo, mga poster, at espada at boots ng Panday. Panoorin. – FRJ GMA News
