Ipinaliwanag ni Lovi Poe kung bakit hindi niya ipinapakita sa ngayon ang mukha ng kaniyang anak sa social media na si Sloane.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinabi ni Lovi na, "this what works for us at the moment" bunga na rin umano ng mga usapin sa internet at privacy.

"But it's a discussion that me and my husband, we're having that now kasi parang eventually, it'll be nice to share this beautiful treasure that we have. And maybe in the future," dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Lovi na Sloane ang pangalan ng kanilang baby, na ang kahulugan ay "warrior." Dagdag niya, may listahan sila ng mga pangalan ng kaniyang mister pero ang Sloane ang nagtugma na gusto nilang dalawa.

"I want her to grow up thinking that she's a fighter and she's a tough cookie," ani Lovi.

Ibinahagi rin ng aktres ang nangyari nang hindi niya agad nahawakan ang kaniyang anak matapos niya itong isilang.

Paglilinaw niya, siya mismo ang nagpasya na huwag munang hawakan ang anak dahil sa "very groggy" pa siya, at nagkaroon siya ng pre-eclampsia at inabot ng 30 oras ang kaniyang pagla-labor.

"I didn't wanna hold her and have that first moment and not feel it fully," ani Lovi.

"My husband medyo nalungkot nung sabi ko, 'I think not right now, maybe give it a few hours.' Then a few hours, dun na nung nakita siya and…parang it's not like in the movies where it's instant, but then your mother instinct mo bigla siyang maghi-hit eh," kuwento niya.

Dagdag niya, bigla na siyang nakaramdam ng pag-aalala sa anak, at inisip kung kumain na ang kaniyang baby, at inisip kung ano ang dapat niyang gawin para sa anak.

"That's where you see the mother's instinct, it's so different," sabi ni Lovi.

Pagkaraan pa ng ilang araw, sinabi ni Lovi na napuno siya nang emosyon habang tinitingnan ang anak.

"The certain love that you can't even explain. Parang this is no joke—now I know exactly what love means," ani Lovi. "I've been singing so many songs and have fallen in love with so many things, but this is different."

Mag-iisang taon pa lang si Sloane na kasalukuyang nasa US, kaya nalulungkot umano si Lovi dahil ito ang unang pagkakataon na nawalay siya sa anak.

Ikinasal si Lovi kay Monty Blencowe noong 2023. —Nika Roque/FRJ GMA News