May nilinaw si Yeng Constantino tungkol sa nasabi niya sa kaniyang "Biyaheng Bente: 20th Anniversary Concert," na na-“seenzoned" siya ni Ryan Bang, kaya hindi sila nagkatuluyan.

“Yung seenzoned, hindi talaga siya seenzoned,” ani Yeng sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes.

Kuwento ni Yeng, nagpadala siya ng mensahe kay Ryan matapos ang nakaraang concert niya upang kumustahin ito dahil marami ang nag-alala para sa komedyante.

Sumagot naman umano ang aktor, ayon kay Yeng, “I'm super happy kasi naging vulnerable siya sa akin."

Ibinahagi naman ni Tito Boy ang nalaman niya noon pa man na naramdaman ni Ryan na hindi siya nababagay kay Yeng dahil hindi niya kayang ilibre ang singer sa kanilang mga date.

Kaya naman daw nag-aral na natuto ang binata na magluto para kay Yeng at inimbitahan niya ito sa kaniyang bahay.

Ayon kay Yeng, nalaman niya lang ito pagkatapos ng concert niya.

Sinabi umano sa kaniya ni Ryan ang tungkol sa pag-aaral nitong magluto dahil hindi niya kayang maglibre dahil wala siyang pera nang panahong iyon.

“Tapos sinabi ko sa kaniya sa kaartehan ko talaga, alam ko na talaga na una na akong magba-bash sa talaga sa sarili ko, sabi ko, ‘Ryan, pasensiya na hindi kasi ako pumupunta sa bahay ng lalaki,’” ani Yeng.

Idinagdag niya na nagtampo sa kaniya si Ryan dahil nang linggong iyon, kasama niya ang mga ka-grupo niya sa bible na lalaki at babae na bumiyahe sa Tagaytay.

"Sa kaniya sa isip niya [Ryan], “Sabi mo hindi ka napunta sa bahay ng lalaki pero bakit ang kasama mong mag-out of town ay mga lalaki,” dagdag ng singer.

Ayon kay Yeng, pinasalamatan niya si Ryan sa mga ibinahagi nito dahil mas naunawaan niya ang nangyari sa kanila noon.

May iba pa umanong ikinuwento si Ryan na mas lalo pa niyang naunawaan ang lahat. Mahalaga umano ito para mawala ang misunderstandings sa kanila.

"Natuwa ako parang nagkaroon po talaga ng… kaming dalawa sa conversation namin talagang na-closed talaga namin nang maayos,” sabi ni Yeng.

Una rito, inihayag ni Yeng na crush niya noon si Ryan, habang nanligaw naman ang komedyante sa singer. Pero bigla na lamang umanong tumigil sa panunuyo sa kaniyang si Ryan.

Isa sa mga kanta ni Yeng na "B.A.B.A.Y" ay hugot niya sa biglang pagtigil ni Ryan sa panunuyo sa kaniya nang walang paliwanag noon.

Kasal na ngayon si Yeng kay Yan Asuncion, habang naging engaged naman dati si Ryan kay Paola Huyong, pero naghiwalay sila noong Hunyo.

Isa si Yeng sa mga coach sa upcoming season ng "The Voice Kids Philippines," na mapapanood sa GMA Network sa Linggo sa ganap na 7:15 p.m. pagkatapos ng "Bubble Gang." —Nika Roque/FRJ GMA News