Para matutukan ang mga susunod na maaksyong eksena sa Kapuso action series na "The Master Cutter," pansamantalang magpapahinga si Dingding Dantos bilang host ng game show na “Family Feud." Kung sino ang hahalili muna sa kaniya sa programa, alamin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ni Dingdong na pansamantala siyang magpapahingan bilang host ng Family Feud dahil kailangan niyang tutukan ang mga paparating na taping ng The Master Cutter para lalo pa itong mapaganda.

Ayon kay Dingdong, Kapuso Comedy Genius na si Michael V ang magiging host ng Family Feud habang wala siya.

“Kuya Bitoy, thank you very much,” ani Dingdong.

Ayon kay Bitoy, ayaw niyang may ibang mag-host ng Family Feud maliban kay Dingdong.

“Personally, ayokong may ibang mag-host. Gusto ko si Dingdong lang. Pero dahil hindi siya pupuwede, ayoko naman yung iba yung mag-host. Kaya sabi ko, ‘ako na lang,” natatawa niyang pahayag.

Mahigit isang dekada na umano nang huling sumabak sa hosting si Michael V sa show kaya inakala niyang maninibago siya. Pero nang mag-taping na siya sa programa, parang walang nagdaan na panahon.

“It’s one of those things na masayang gawin. Matagal na kong hindi nakakapag-host kaya ditto, this time, parang at home na at home pa rin ako sa ganitong scenario. Nakakatuwa,” kuwento niya.

“Hindi lang ako sanay na wala akong hawak na mic [habang nagho-host]. Kasi last time na nag-host ako may hawak pa akong mic,” dagdag niya.

Napapanood ang “Family Feud” mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 5:40 PM sa GMA Network.

Samantala, Lunes hanggang Biyernes ang “The Master Cutter" na napapanood sa GMA Prime sa ganap na 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras." —Nika Roque/FRJ GMA News