Inilahad ng 90s matinee idol na si Eric Fructuoso ang dahilan kung bakit hindi niya ipino-post sa social media ang larawan o video na makikita ang mukha ng kaniyang kabiyak sa buhay.

“Unang una, nirerespeto ko 'yung privacy niya. Hindi naman siya artista. Minsan kasi, kung ayaw mo masira ang isang bagay, huwag mo nang ipakita sa iba,” sabi ni Eric sa kaniyang nakaraang guesting sa “Your Honor.”

Pagpapatuloy ni Eric, paraan niya ito para protektahan ang babae.

“Tsaka siyempre, marami rin naman tayong naging kaaway na inggit din sa atin or hindi lang tayo gusto, na gustong manggulo. Ako na lang guluhin niyo, pero huwag na 'yung mga mahal ko sa buhay,” dagdag niya.

Ipinagpapasalamat ni Eric na hindi rin mahilig sa mga post ang kaniyang partner.

“‘Yun nga lang, hindi siya ganu'n. Kumbaga, protection na rin sa kaniya. Kasi, siyempre, may sarili siyang ginagawa rin,” patuloy ng aktor.

Gayunman, may mga pagkakataon din naman na nagpo-post si Eric na kasama ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ipinakikita ang mukha nito.

“Well, unang una, I'm posting kasi into running na rin siya. Nandiyan na rin siya sa healthy lifestyle, gusto namin maka-inspire ng mga tao. Ngayon, sa mga ibang tao na iba 'yung pananaw, ayun nga 'yung sinasabi ko na, sana hiwalay 'yung Facebook ng mga tanga,” sabi ni Eric.

Pagiging loyal

Biro naman ni Eric, minsan na ring nagselos ang kaniyang asawa sa isang babae na hindi naman niya “type.”

“Buti nga ganu'n eh. Hindi siya nagseselos sa mga type ko,” biro niya.

Ngunit ayon sa aktor, mas pinipili niya na makasama na lamang ang asawa kaysa bumarkada pa.

“Tsaka ako naman kasi, mas gusto ko kasama siya. Kumbaga, kaysa barkada, kaysa 'yung labas nang labas, gusto ko lagi siya ang kasama,” sabi ni Eric. “Galing ako ng taping, diretso ako uwi. Pagpunta ako ng gym, diretso ako uwi. Mag pickleball ako, diretso ako uwi. Kahit ano ako, diretso uwi lang ako. Doon ako nag-spend time.”

Mas pinipili ngayon ni Eric na wala nang lumabas na mga usapin tungkol sa kaniya.

“Kasi kung lalabas ka pa, gagawin ka pa ng issue. ‘Pag may mga barkada, may kasamang kaibigang babae, tutuksuhin ka. Kahit wala kang gagawin. Basta magkakaroon pa ng issue. At least ako, kaya wala akong tsismis sa buhay kasi I just stay home,” saad niya.

Batay sa ulat ng GMA Network, umabot ng 16 taong kasal si Eric sa non-showbiz na asawa niyang si Gian, bago sila naghiwalay noong 2021.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Agosto, inamin ng aktor na nasa isang bagong relasyon siya ngayon. -- FRJ GMA News