Makaraan nang mahigit dalawang linggo, nagsalita na ang kuwelang stand-up comedian na si Super Tekla kung bakit hindi siya napapanood sa programang "Wowowin."

Sa kaniyang Facebook post (SuperTeklah Librada), sinabi ni Tekla na, "My journey in wowowin is totally ended!!!"

Nilinaw naman niya na wala siyang hinanakit sa pagkawala niya sa programa ni Willie Revillame na naging tahanan niya mula noong Setyembre 2016.

"Wala akng hinanakit sa puso ko bagkos lubos akong nagpapasalamat kay kuya wil.sa narating ko at sa chance na binigay nya sakin marami akong natutunan,lalong lalo na inilapit niya ako sa 'masa' buong buhay lilingunin ko pambihirang pagkakataon na binigay sa akin ng programang wowowin," saad niya sa post.

Hiniling din niya ang publiko na patuloy na suportahan ang programa.

"Sana poh patuloy kayong sumuporta sa programang ito!!in Gods will narin poh cguro kung bakit nagwakas ang journey ko para magbukas ng panibagong yugto ng buhay ko maraming salamat sa halos isang taong pagsubaybay sa akin," patuloy niya.

Hinikayat din niya ang kaniyang mga tagasuporta na huwag malungkot sa pagkawala niya sa game show .

"Lahat ng mga fans, supporters at mga naniniwala sa talentong naibihagi ko, sa bawat pilipinong kapuso saan mang sulok ng mundo!!!mahal na mahal ko kayo hanggat jan kayo di poh ako mapapagod maghatid ng ngiti,saya!!!," ayon sa komedyante.

"Maraming salamat boss wil. more power wowowin god bless us all!!! at sa lahat ng kapusong nagmamahal sa programang wowowin saan man sa mundo!!!," pagtatapos niya.

Inimbitahan din niya ang kaniyang mga follower na panoorin ang "Magpakailanman" sa Sabado kung saan mapapanood siya bilang isa sa mga gumanap sa itatampok na episode.

Gayunman, hindi binanggit ni Tekla kung bakit nawala siya sa programa, kung saan kasama niya sa tambalan ang kaibigang si Donita Nose.

Bukod sa FB post, mayroon din siyang "live video" kung saan inimbitahan din niya ang followers na manood ng "Magpakailanman" at inaming masakit para sa kaniya ang mawala sa "Wowowin."

Matatandaan na nagsimula si Tekla bilang contestant sa isang segment ng "Wowowin", hanggang sa kunin na ni Kuya Wil bilang co-host.

Umabot na sa halos 3.5 milyon ang views sa Youtube ng video ni Tekla sa naturang unang pagsalang niya sa "Wowowin."

-- FRJ/KVD, GMA News