Sa darating na Linggo, Oktubre 29, muling magbabalik ang Halloween Special ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." At kabilang sa mga makapanindig-balahibong istorya na tatalakayin sa "Gabi ng Lagim," ang kakaibang "bisita" na nakunan ng larawan at video sa isang simbahan.
Ang naturang misteryosong "bisita" ay nakunan ng larawan sa isang kasalan na ginaganap sa isang simbahan sa Laguna. Naka-traje de boda ito gayung hindi naman siya ang bride.
Sa sumunod na taon, nakunan naman sa video ang kakaibang "bisita" sa isang binyagan. Sino nga ba ang mahiwagang babae na dumadalo sa mga okasyon?
Mula nang inilunsad ang "Gabi ng Lagim" noong 2013, taun-taon nang naging bahagi nito ang batikang music video at TV director na si Rember Gelera. Pero kakaiba raw ang karanasan niya sa taong ito dahil siya mismo ay naramdaman sa kanila shoot.
Aniya, “Hindi kasi ako masyadong naniniwala sa pamahiin eh pero for the first time may bumisita sa mismong set namin. Parang nabago ‘yung buhay ko sa episode na 'to, parang for the longest time, alam ko merong ibang entity.”
Bukod sa mahiwagang "bisita," abangan din ang istorya tungkol sa umano'y isang batang multo, at ang kuwento tungkol sa isa umanong aswang na kumain sa kaniyang mga anak at umaatake sa kaniyang mga kalugar.
Mapapanood ang Halloween Special ng "KMJS" na "Gabi ng Lagim" sa Linggo pagkatapos ng "Daig Kayo Ng Lola Ko." -- FRJ, GMA News

